KIDAPAWAN CITY — Pinabulagta ng ‘di pa nakilalang gunman ang isang pintor sa harap ng isang electric cooperative sa Rizal Avenue, Barangay Osias, Kabacan, North Cotabato, hapon nitong Lunes.
Sa ulat na nakarating kay PCI Ronnie Cordero, hepe ng Kabacan PNP kinilala ang biktima na si Gerry Gecain Mascarinas, 50-anyos, may asawa at isang pintor at residente ng Quirino St., ng nasabing baranagay.
Batay sa ulat, nakatayo lamang ang biktima sa harap ng tanggapan ng Cotabato electric Cooperative o COTELCO alas-5:15 ng hapon ng lapitan ng gunman at binaril.
Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kanang bahagi ng kanyang mata na tumagos sa likod ng kanyang ulo na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Tumakas naman ang suspek matapos na maisakatuparan ang krimen.
Nagsasagawa na ngayon ng malalimang imbestigasiyon ang mga otoridad sa motibo sa krimen. Rhoderick Beñez