KIDAPAWAN CITY – Patay ang tatlong katao sa hiwalay na karahasan sa Tacurong City sa lalawigan ng Sultan Kudarat sa Mindanao.
Ayon sa ulat ng pulisya, pinagbabaril ng isang salarin ang 46-anyos na si Maximo Manaay Laygan, na residente ng Barangay San Antonio habang nasa inuman kamakalawa ng hapon sa gilid ng isang furniture shop sa Barangay Buenaflor.
Naganap ang insidente alas-5:30 ng hapon kung saan biglang nilapitan ng gunman na nakatakip ang mukha ng panyo si Laygan at saka binaril. Agad rin tumakas ang salarin sakay ng kanyang motorsiklo.
Kinagabihan ay binaril naman si Keith Dellomes, 36, sa naturang barangay habang kasama ang 3 anak nito. Nagmamakaawa pa umano ang anak nito sa killer, ayon sa mga saksi, ngunit tinuluyan pa rin ito.
Patay rin si Annaliza Capinpin 33, na residente ng EJC Montilla, Tacurong City, ngunit wala pang motibo ang pulisya sa naturang insidente. Iginiit naman ng pulisya na isolated cases lamang ang patayan sa lugar sa kabila ng nasa martial law ang buong Mindanao. (Rhoderick Beñez)