PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Jan. 14, 2012) – Mahigit sa isang dosenang pasahero ang sugatan matapos na sumalpok ang kanilang jeep sa barrier sa gitna ng kalsada sa Cagayan de Oro City.
Ayon sa ulat ng pulisya ay nawalan umano ng kontrol ang driver ng pampasaherong jeep na si Roel Kanesia kung kaya’t inarato nito ang island sa Barangay Cugman nitong Lunes ng gabi.
Naisugod naman agad sa pagamutan ang mga sugatan upang mabigyan agad ng karampatang lunas. Iniimbestigahan na rin ang sumbong ng ibang mga pasahero na tila lasing o nakainom ng alak ang nasabing driver.
Nasa Northern Mindanao Medical Center pa rin si Kanesia dahil sa pinsalang tinanggap nito sa naturang aksidente at hindi pa nakakausap ng pulisya ukol sa naganap. Nagtamo ang mga biktima ng sugat at pasa sa kanilang mga katawan.
Hindi naman agad mabatid kung sasagutin ba ng operator ng jeep ang gastusin ng mga sugatan sa pagamutan, bagama’t marami na ang nakalabas at nakauwi sa kanilang Bahay. (Mindanao Examiner)