
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 30, 2012) – Patay kanina ang dalawang hagad na miyembro ng Highway Patrol Group matapos silang ratratin ng mga armadong kalalakihan sa bayan ng Makilala sa North Cotabato.
Ayon sa ulat ng pulisya ay nasa isang checkpoint umano ang dalawang parak ng sila’y paulanan ng bala sa Barangay Malasila. May ilang katao rin ang sugatan sa naturang atake, subalit hindi pa mabatid kung parak o sibilyan ang mga biktima.
Hindi naman inilabas ng mga awtoridad ang pangalan ng mga nasawi at kailangan pa umanong impormahan muna ang kanilang pamilya ukol sa malagim na naganap.
Hindi rin agad mabatid ang motibo sa pagpatay at walang umako sa atake, ngunit may hinalang mga rebeldeng New People’s Army ang nasa likod ng pananambang.
Ilang beses na rin nagbabala ang NPA na aatake sa mga kawani ng pulisya at militar kung may pagkakataon. Ang naturang grupo ay matagal ng nakikibaka upang maitatag ang sariling estado sa bansa. (Mindanao Examiner)