ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 26, 2012) – Nabasyo ngayon araw ng pulisya ang isa umanong miyembro ng Abu Sayyaf sa Basilan province na itinuturong sangkot sa mga kidnappings at terorismo sa Western Mindanao.
Sinabi ng pulisya na nasakote si Harun Jaljalis, alias Abu Indal, sa Barangay Mahayahay sa bayan ng Maluso matapos itong inguso ng isang impormante sa mga awtoridad.
Nabatid na may mga warrants of arrest umano si Jaljalis at may P350,000 bounty pa kanyang ulo. Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang suspek upang mabatid ang kinaroroonan ng mga kasamahang nito.
Hindi naman sinabi ng pulisya o ng militar kung may kinalaman si Jaljalis sa pagkakadukot kay Australian adventurer Warren Rodwell na tinangay ng mga armado nuong Disyembre sa kanyang bahay sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay at dinala sa Basilan.
Itinanggi naman ni Jaljalis ang bintang sa kanya. Hawak ng Criminal and Investigation Group ang suspek.
Pinaniniwalaang hawak ni Abu Sayyaf commander Puruj Indama ang nasabing dayuhan at $2 milyon ang ransom na hinihingi nito kapalit ng kalayaan ni Rodwell. (Mindanao Examiner)