NAGHAIN NG panukalang batas si Leyte Representative Ferdinand Martin G. Romualdez na naglalayong bigyan ng P3,000 monthly pension at life, accident, at disability insurance ang mga magsasaka sa bansa. Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 7663, o ang “Comprehensive Farmers’ Pension and Social Protection Act,” target ni Romualdez na magkaroon ng matibay na safety net ang mga agricultural workers na kadalasang hindi kasali sa mga retirement system gaya ng SSS o GSIS. Kasama rin sa pag-akda ng bill na ito si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre upang masiguro ang proteksyon ng mga indigent at disabled na magsasaka.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang programang ito ay hindi lamang tulong pinansyal, kundi pagkilala sa hirap ng mga magsasaka na itinuturing na pundasyon ng ating pagkain. “The creation of a pension program for qualified elderly farmers is crucial for providing financial security, reducing poverty and ensuring a decent standard of living in their later years, as they are often considered among the poorest in society with limited access to formal, consistent income,” pahayag ni Romualdez. Dahil sa pabago-bagong kita sa bukid, maraming magsasaka ang napipilitang magtrabaho kahit lagpas na sa retirement age, kaya naman ayon sa kanya, “because many farmers face low, variable incomes and often work past traditional retirement age due to financial necessity, pensions offer a guaranteed, regular income source, reducing their dependence on family members or the need to sell off assets to cover living expenses.”
Ang benepisyong ito ay para sa mga “qualified elderly farmers” na may edad 60 pataas, mga “disabled farmers” na may karamdaman o kapansanan, at mga “indigent farmers” na opisyal na kinikilala ng kanilang mga LGU base sa Community-Based Monitoring System. Sakop ng bill ang sinumang direktang kasama sa crop production, livestock, o aquaculture, maging sila man ay may-ari ng lupa, tenant, o agricultural worker lamang. Ang Department of Agriculture (DA), katuwang ang DSWD at Philippine Crop Insurance Corp., ang mamamahala sa pamamahagi ng pension sa pamamagitan ng mga accredited banks, cooperatives, o remittance centers para mas madali itong makuha ng mga benepisyaryo.
Bukod sa buwanang allowance, magkakaroon din ang mga magsasaka ng P50,000 basic life insurance at hanggang P25,000 para sa accident at disability assistance. Upang maiwasan ang anumang anomalya, magtatayo ang DA ng isang national database para sa mga kwalipikadong magsasaka at magpapatupad ng mahigpit na parusa sa sinumang masasangkot sa fraud o pandaraya sa programa. Ang sinumang mahuhuling manloloko ay maaaring makulong ng hanggang isang taon o magbayad ng multang aabot sa P100,000, habang ang mga public officials na lalabag ay mahaharap sa pagkakatanggal sa pwesto at iba pang administrative sanctions. (PR)
