DAVAO CITY – Patay ang isang CAFGU militia at sugatan naman ang isang sundalo matapos silang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army sa bayan ng Laak sa Compostela Valley province sa magulong rehiyon ng Mindanao.
Sinabi ngayon ni Capt. Alberto Caber, ang spokesman ng Eastern Mindanao Command, na nasa patrulya ang mga sundalo ng 60th Infantry Battalion kasama ang napaslang ng sila ay tambangan sa Barangay Aguinaldo.
Nanlaban pa umano ang mga sundalo at nabawi ang isang AK-47 automatic rifle at 3 backpack matapos ng halos 30 minutong sagupaan. “Pursuit operations are still going on,” ani Caber.
Agad naman dinala ang sugatang sundalo sa Tagum Doctor’s Hospital at ang bangkay ng militia ay diniretso sa Escreba Funeral Homes sa bayan ng Kapalong sa Davao del Norte.
Mabilis naman na ikinanta ni Caber na nagsumbong umano sa militar ang mga sibilyan sa lugar at sinabing may mga sugatan sa panig ng NPA. Hindi naman agad makumpirma ang pahayag ni Caber subali’t sa tuwing may sagupaan ay ito rin ang madalas sabihin ng militar. Hindi mabatid kung bakit palaging may sibilyan sa mga lugar ng labanan na siyang nagsusumbong sa militar.
Kamakailan lamang ay inatake rin ng NPA ang banana plantation ng DOLE at dalawang bomba ang pinasabog nito sa isang tulay di-kalayuan sa entrance ng hangar ng kumpanya sa bayan ng Maragusan sa Compostela Valley pa rin at isang eroplano ang nasira.
Mahigit sa limang dekada nang nakikibaka ang NPA upang maitatag ang sariling estado nito sa bansa. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamineRead Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/
Share The News