KIDAPAWAN CITY — Wasak ang bungo at kumalat ang utak ng isang pasahero ng tricycle ng tumilapon matapos na masagasaan at maipit sa kasalubong na truck sa isang inaayos na tulay sa Barangay Lanao, Kidapawan city, ala-1:30 kahapon ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Ramel Hojilla, hepe ng Kidapawan City PNP ang nasawi na si Jasper Jay Sedimon, 29-anyos at residente ng Magpet, North Cotabato.
Batay sa ulat ni Kidapawan Traffic Management Unit Head Rey Manar na ang biktima ay naka-upo umano sa likurang bahagi ng tricycle kaya ng makita nito na paparating na sa kanila ang malaking truck na pagewang-gewang na may lulang limestone ay lumundag umano ito.
Sa kasamaang palad, sa lugar kungsaan lumundag ang biktima ay doon din napadako ang truck kaya tuluyan siyang nasagasaan.
Patay noon din ang biktima.
Bago ito, isa ring aksidente ang naganap sa nasabing lugar bandang alas-11:00 ng umaga kahapon kungsaan apat katao ang nasugatan.
Kinilala ang mga sugatan na sina Maryjane Enate Carino at si Ferdinand Justiniane na drayber ng motorsiklo habang ang dalawang iba pa ay di kinilala sa report.
Batay sa ulat, nawalan ng preno ang isang fuel tanker habang dumadaan sa inaayos na tulay at nahagip ang apat na mga sasakyan kabilang na dito ang isang Toyota Van, service vehicle ng DXND-Radyo BIDA at dalawang mga motorsiklo.
Ang Fuel tanker ay papunta sa direksiyon ng Cotabato City habang ang apat naman na mga sasakyan ay papasok sa City Proper ng Kidapawan.
Dahil sa sunod-sunod na aksidente sa Cotabato-Kidapawan Highway kahapon, nabalam ang maraming biyeha ng mga dumadaang sasakyan sa lugar kaya nagkaroon ng re-routing ang TMU. Rhoderick Beñez