
ZAMBOANGA SIBUGAY (Mindanao Examiner / May 17, 2014) – Isang lalaki ang nasa malubhang kalagayan matapos itong pagbabarilin ng 3 holdaper na kumana sa kanyang amo habang namimili ng goma sa bayan ng Titay sa Zamboanga Sibugay province.
Sinabi ni Senior Inspector Joseph Ortega, ang tagapagsalita ng pulisya, na pinaghahanap na umano ng mga parak ang nasa likod ng holdapan na naganap sa Barangay Supit.
Nabatid na hinoldap ng 3 armado ang negosyanteng si George Saluba, 58, ang dalawang empleyado nitong sina Ronnel Pikilan at Wilson Sanson.
Sa takot umano ni Pikilan ay tumakbo ito ngunit niratrat naman ito ng mga salarin at saka pinagnakawan ang grupo ni Saluba bago tuluyang tumakas. Natangay umano ng mga armado ang P65,000 mula sa negosyante.
Agad naman nadala sa pagamutan sa bayan ng Ipil ang biktima na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang likuran, ngunit inilipat rin sa Zamboanga City dahil sa seryosong lagay nito.
Hindi pa mabatid ang identipikasyon ng mga salarin, ayon sa pulisya. (Mindanao Examiner)