
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 30, 2012) – Isang malaking operasyon ang inilunsad ng militar kontra sa rebeldeng New People’s Army sa North Cotabato na kung saan ay nagkasagupaan ang dalawang grupo.
Ayon sa ulat ng militar ay isang sundalo at 9 rebelde na ang nasawi sa labanan na nagsimula kamakalawa pa sa bayan ng Magpet. May mga casualties rin umano sa hanay ng mga pro-government militia na tumutulong sa mga tropa ng army sa lalawigan.
Nagpadala na ng karagdagang tropa ang militar upang magapi ang mga rebelde na natiyempuhan ng mga sundalo sa Barangay Bagumbayan.
Nagsilikas na rin umano ang maraming mga sibilyan mula sa naturang barangay dahil sa pambobombang isinasagawa ng militar sa lugar ng pinagkukutaan ng mga rebelde. Mahigit sa 50 mga rebelde ang diumano’y target ng militar.
Kilalang stronghold ng NPA ang North Cotabato at maraming beses ng nagkaroon ng labanan doon. Nakikibaka ang NPA upang maitatag ang sariling estado sa bansa. (Mindanao Examiner)