
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / June 3, 2012) – Sampung sundalo umano ang napatay at sugatan sa matinding sagupaan na naganap sa Sarangani province sa pagitan ng militar at rebeldeng New People’s Army.
Sinabi ni Ka Rigor, na umano’y tagapagsalita ng NPA, na posibleng marami pa ang nasawi at sugatan sa panig ng militar dahil sa openbsibang inilunsad ng rebeldeng grupo. Hindi naman nito sinabi kung mayroon silang casualties.
Nagbabala pa ang NPA na lalo nitong palalakasin ang opensiba sa Mindanao na kung saan ay patuloy diumano ang militarisasyon at paglabag sa karapatan pamtao ng mga sundalo.
Hindi naman agad makunan ng pahayag ang Eastern Mindanao Command at 10th Infantry Division at hindi rin sumasagot sa mga text messages ng media ang mga opisyal at tagapagsalita nito na siyang may sakop sa naturang lugar.
Halos 200 pamilya na rin diumano ang nagsilikas sa bayan ng Malungon dahil sa pagtugis ng isinasagawa ng mga tropa laban sa NPA.
Matagal na nakikibaka ang NPA upang maitatag ang sariling estadong komunista sa bansa. (Mindanao Examiner)