
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / July 3, 2014) – Dahil sa pagod, init at gutom ay hinimatay umano ang 11 estudyante ng Notre Dame High School sa Cotabato City sa kalagitnaan ng earthquake at fire drill na natapat naman sa holy month of Ramadan.
Ayon sa mga ulat ay bigla na lamang nawalan ng ulirat ang mga estudyante kamakalawa ng umaga kung kaya’t agad silang isinugod sa klinika. Wala naman ulat ng seryosong problema sa kalusugan ng mga estudyante.
Hindi naman agad mabatid kung ilan sa mga estudyante ang kasalukuyang nagpa-fasting.
Ang earthquake at fire drill ay bahagi ng selebrasyon ng National Disaster Consciousness Month at isiginawa rin sa ibang panig ng bansa.
Sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur ay pinangunahan ito ng City Disaster Risk Reduction Management Council at ang Bureau of Fire Protection at Office of Civil Defense, gayun rin ng Philippine National Red Cross Zamboanga del Sur-Pagadian City Chapter.
Sinabi ni CDRRMC Coordinator Haron Damada na kasama sa earthquake and fire drill ang tatlong paaralan sa Barangay Sta. Lucia, San Pedro at Kawit na pawang mga lugar na binayo na rin ng tsunami noon Agosto 17, 1976 matapos na yanigin ng 7.7 magnitude na lindol ang Pagadian. (Ulat nina Mark Navales, Jong Cadion at Ely Dumaboc)