NORTH COTABATO – Bumulagta ang dalawang mga bomb courier matapos na makipagbarilan sa mga sundalo na kanilang tinakasan sa highway ng Barangay Sangat sa bayan ng M’lang sa North Cotabato nitong Miyerkules ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Patrick Ali Saligan, 30-anyos na residente ng Purok 2 Digal, sa bayan ng Buluan sa Maguindanao at Nholds Saibo Ali, 29-anyos at residente ng Barangay Poblacion sa Datu Paglas ng naturang lalawigan.
Sa ulat ni Senior Inspector Maxim Peralta, deputy chief of police ng M’lang, nangyari ang insidente alas-3:00 ng madaling araw nitong Miyerkules. Nabatid na nagsasagawa umano ng pagpapatrolya ang mga kasapi ng 7th Infantry Battalion ng kanilang maharang ang dalawang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Kuha ni Joseph Ballejera.
Pero sa halip na huminto sa mga otoridad ay humarurot ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Poblacion. Hinabol sila ng mga sundalo kung saan habang papalapit na ang mga otoridad ay pinaputukan ng mga suspek ang tropa ng pamahalaan, dahilan para gumanti ng putok ang mga militar.
Sa nasabing barilan, napatay ang dalawang mga suspek na hinihinalang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Sa hiwalay na impormasiyon mula sa bise alkalde may isa pang kasama ang mga suspek na naka-motorsiko din na nakatakas.
Dakong ala-6:00 ng umaga ay pinasabog ng mga kasapi ng CPPO-EOD Team ang dalang paper bag ng mga suspek na naglalaman ng pinahihinalaang IED.
Sa ginawang post blast investigation, nabatid na hindi kumpleto ang sangkap ng IED. Wala umanong blasting cap at hindi rin kumpleto ang round wire nito habang narekober din ang isang cell phone na may wirings, isang unit ng 60mm mortar at ilang bala ng M16 rifle. Inaalam pa kung ang mga suspek ay sangkot din sa serye ng bomb scare sa bayan ng Mlang. (Rhoderick Beñez)