
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 19, 2014) – Dalawa sa tatlong dinukot na surveyors ng Department of Social Welfare and Development sa lalawigan ng Sulu ang pinalaya ng mga kidnappers ngayon Sabado, ngunit hindi pa mabatid ang sinapit ng nalalabing bihag.
Sinabi ni Sulu police chief, Senior Superintendent Abraham Orbita, na ang mag-asawang Nurhati at Mark Sicangco ay nasa maayos na kalagayan matapos silang sunduin ng mga kaanak sa bayan ng Patikul.
Walang balita sa ikatlong bihag na si Roberto Saputalo, ayon kay Orbita. “The Sicangco couple were brought by their relatives from the village of Danag to the house of Patikul Vice Mayor in the village of Umangay.”
“At about seven tonight, we fetched them and brought to the provincial hospital for a routine medical check up before they are brought home,” Salaysay pa ni Orbita sa Mindanao Examiner Regional Newspaper.
Naunang inulat na nakatakas o pinalaya umano si Lerna Jurah nitong Biyernes matapos silang dukutin ng mga armado sa Barangay Upper Sinumaan sa bayan ng Talipao nitong Huwebes habang nagbabahay-bahay para sa isang survey ng DSWD ukol sa Pantawid Pamilya Program.
Hindi pa malinaw kung bakit pati ordinaryong empleyado ng DSWD, na siyang pangunahing ahensya na tumutulong sa mga mahihirap na pamilya, ay tinarget pa. Walang umako sa pagdukot, ngunit kilalang teritoryo ng Abu Sayyaf ang bayan ng Talipao at Patikul.
Walang ibinigay na detalye ang pulisya ukol sa paglaya ng mag-asawa at kung may ransom bang naibayad sa mga kidnappers. Hindi rin sinabi ni Orbita kung may kinalaman ang Abu Sayyaf sa kaso. (Mindanao Examiner)