
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 17, 2014) – Sinampahan ng kaso ng pulisya ang dalawang Iranian nationals na inireklamo ng mga media workers at ng pamahalaang-lokal dahil sa kasong harassment at paglabag sa ordinansa ng Zamboanga City, at iba pa.
Ang dalawang dayuhan na sina Mohammad Moghimi at Abdel Kamal ay dinakip kamakailan matapos nitong itulak ang chief licensing officer na si Benjie Barredo at ang ilang mga media workers na nagko-cover ng inspeksyon sa carenderia ng mga Iranian.
Nabatid na isinara na pala noon ng City Hall ang naturang carenderia dahil sa ibat-ibang reklamo, ngunit binuksan naman ito ulit ng mga dayuhan at naglagay pa ng karaoke sa lugar na katabi lamang ng isang unibersidad.
Sinabi ng pulisya na sinampahan ng kasong grave misconduct, malicious mischief at disobedience of person in authority laban sa mga dayuhan. Nasa sala na umano ni Assistant City Prosecutor Norma Usman ang naturang kaso..
Nagpiyansa rin agad sina Moghimi at Kamal upang pansamantalang makalabas ng piitan. Ipinag-utos rin ni Mayor Maria Isabelle Salazar sa Bureau of Immigration na busisiin ang kaso ng dalawang dayuhan at magbigay ng report ukol sa lahat ng mga dayuhan naninirahahan o may negosyo sa Zamboanga upang mabatid kung legal ba ang kanilang pananatili dito. (Mindanao Examiner)