
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 19, 2012) – Dalawang Malaysian nationals ang dinukot sa isang palm oil plantation sa Sabah at malaki ang hinala na nasa lalawigan ng Tawi-Tawi ang mga ito.
Nabatid na isang plantation manager at ang kanyang assistant ang dinukot kamakailan ng 5 armadong kalalakihan sa Lahad Datu habang bumibisita sa lugar. Nagpanggap na mga parak ang kidnappers na marunong pa umanong magsalita ng Malayu at Tausug.
Hindi pa mabatid kung ano kinahantungan ng mga biktima, subalit kahapon ay kinumpirma ng Malaysia na nakalabas na ng kanilang bansa ang mga kidnappers at mga biktima. Apat sana ang dudukutin ng mga armado subali’t iniwan na lamang ang dalawa sa hindi pa mabatid na kadahilanan.
Ayon sa Malaysian authorities ay tumakas ang mga armado patungong international waters sakay ng asul at puting speed boat. Katabi lamang ng Tawi-Tawi province ang Sabah at isa ang Lahad Datu sa mga lugar doon na kung saan ay maraming mga naninirahang mga Pilipinong Muslim.
Sa ulat naman ng Malaysia media ay sinabi umano ni Sabah Police Commissioner Datuk Hamza Taib na may ideya na ito sa kinalalagyan ng dalawang bihag, subalit hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye.
“We have identified the victims’ whereabouts. We have a rough idea where they are. They may be out of Malaysian waters,” wika pa ng opisyal.
Wala rin umanong contact ang mga kidnappers sa pamilya ng mga biktima.
Nuong 2010 ay dinukot rin ng mga armado ang dalawang seaweed farmers na sina Vui Chung, 42, at Lai Wing Chau, 33, sa Semporna na katabi lamang ng Lahad Datu at dinala sila sa Tawi-Tawi na kung saan ay ipinatubos ang mga ito sa kanilang pamilya sa halagang 2 milyong ringgits.
At nuong 2001 ay dinukot rin ng Abu Sayyaf ang 21 mga Western holidaymakers sa Sipadan Island sa Sabah at ipinatubos rin sa Libya at Malaysia. (Mindanao Examiner)