
MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / Aug. 12, 2012) – Tuluyan ng nasawi ang isang sibilyan na nahagip ng shrapnel mula sa sumabog na mortar sa bayan ng Shariff Aguak sa Maguindanao province na kung saan ay patuloy hanggang ngayon ang sagupaan sa pagitan ng militar at rebeldeng Muslim.
Nitong araw lamang ay isa na naman ang nahagip ng shrapnel mula sa pagsabog ng mortar sa Barangay Maslong sa bayan ng Datu Piang sa lalawigan na kung saan ay may sagupaan rin.
Ayon sa human rights group na Kawagib ay namatay si Ismael Abdul matapos na mahagip ng pagsabog sa Barangay Satan. Ibinintang naman agad ng Kawagib sa militar ang naturang pagsabog ng mortar.
Nabatid na si Abdul ay bumalik lamang sa kanilang kubo sa upang kunin ang kalabaw nitong gamit sa kanyang pagsasaka ng maganap ang pagsabog. Maging ang kalabaw ay kasamang nasawi nito.
Kinondena naman ni Bai Ali Indayla, tagapagsalita ng Kawagib, ang naturang atake.
“Mariin naming kinukondena ang pangyayaring ito kung saan nagiging target ng operasyong militar ang mga sibilyang walang kinalaman sa kaguluhan. Ito ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao ng mga sibilyang Moro,” ani Indayla sa pahayag nito sa pahayagang Mindanao Examiner.
Itinanggi naman ng 6th Infantry Division ang pahayag ng Kawagib at sinabing ang mga rebelde ang siyang umaatake sa mga sibilyan.
Nagsimula ang sagupaan nuong pang nakaraang Linggo matapos na atakihin ng mga rebelde mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Movement ang mga detachment ng army at mga sibilyan sa ibat-ibang bayan sa Maguindanao.
Sinakop rin ng mga rebelde ang highway sa nasabing lalawigan at dahil sa kaguluhan ay libo-libong pamilya na ang tumakas sa kanilang mga barangay sa takot na madamay sa karahasan. (May ulat si Mark Navales)