
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / June 4, 2014) – Dalawang katao ang patay at tatlo ang sugatan sa hiwalay na pamamaril sa Zamboanga Peninsula at patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang karahasan.
Ayon sa pulisya ay isang habal-habal driver na si Taha Tarawi, 35, ang nasawi matapos itong barilin ng dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo sa national highway sa bayan ng Tungawan sa Zamboanga Sibugay. Sugatan rin ang isang babaeng pasahero nito na si Hamiya Ungcay na tinamaan ng bala sa kanyang dibdib.
Sabog naman ang ulo ni Taha at wasak ang dibdid sa tinamong tama ng bala at agad rin na tumakas ang dalawang salarin, subali’t hindi pa mabatid ng pulisya ang motibo sa atake.
Napatay naman si Julhanen Esmael, 21, matapos nitong pasukin ang bahay ni Barangay Kagawad Tamano Rumulho, 44, sa Bubual sa bayan ng San Pablo sa Zamboanga del Sur.
Winasak umano ni Esmael ang lock sa pintuan ng bahay sa akalang walang tao sa loob. Hindi naman mabatid kung may armas si Esmael at kung ano ang motibo nito sa pagpasok sa bahay ng opisyal.
Sinabi ng pulisya na kusang sumuko ang Kagawad kay Barangay Chairman Abdellah Polo matapos ng naganap.
Sa Pagadian City ay nasawi rin si Abdul Santos, 22, at sugatan ang kasamang Analyn Sabio, 26, matapos silang barilin ng “riding-in-tandem” sa Muslim village sa Barangay Kawit. Ayon sa pulisya ay nakilala na umano ang isa sa mga bumaril at ngayon ay pinaghahanap na.
Nasa inuman umano si Santos kasama ang mga kaibigan ng atakin ito. Agad na nadala sa pagamutan ang dalawa na parehong may mga tama ng bala sa hita. Posible umano selos o personal na alitan ang motibo ng pamamaril. Tumakas ang dalawang salarin, ayon sa pulisya. (Mindanao Examiner)