
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Dec. 26, 2012) – Dalawang katao ang natigok at 5 iba pa ang sinasabing sugatan matapos silang tambangan nitong Miyekules ng umaga sa magulong lungsod ng Cotabato.
Ayon sa mga ulat ay sakay ng isang van ang mga biktima ng sila’y ratratin ng mga armado sa kahabaan ng Rabago St. Kalalabas lamang umano ng bahay ang mga biktima ng sila’y atakihin.
Agad na tumakas ang mga salarin bago pa man dumating ang mga parak at sundalong nagbabantay sa ilang bahagi ng Cotabato.
Hindi naman agad mabatid ang motibo o ang mga pagkakakilanlan sa mga biktima ng pananambang at kung may kinalaman ba ito sa family feud o clan war.
Subali’t may mga balitang posibleng pulitika ang motibo sa atake dahil may opisyal umano ng barangay sa loob ng van.
Walang umako sa krimen at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap na karahasan. (Mindanao Examiner)