
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 13, 2012) – Dalawang biktima ng “salvaging” ang natagpuan sa isang barangay sa Zamboanga City at hanggang kahapon ay hindi pa rin makilala ang dalawang bangkay ng lalaki na parehong may tama ng bala sa kanilang mga bungo.
Ayon sa pulisya ay may mga tattoo sa katawan ang mga biktima at pawang nakatali ng alambre ang mga kamay sa kanilang likuran at may takip sa kanilang ulo ng madiskubre ng mga residente sa Barangay Boalan kamakalawa.
Dinala naman sa punerarya ang mga bangkay subali’t wala rin kumukuha sa mga ito. Wala umanong nakarinig ng putok ng baril sa nasabing lugar kung kaya’t may hinala ang pulisya na pinatay sa ibang lugar at itinapon lamang ang mga bangkay sa liblib na bahagi ng nasabing barangay.
Agad naman kinunan ng finger prints ng mga SOCO (Scenes Of Crime Officers) ang dalawang bangkay. Talamak ang patayan sa Zamboanga City at karamihan sa mga ito ay isinisisi sa mga hired killers.(Mindanao Examiner)