
COTABATO CITY – Patay ang dalawang sundalo matapos silang pagbabarilin sa isang palengke sa bayan ng Buldon sa Maguindanao province sa magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Hindi pa mabatid kung sino ang tumira sa dalawang miyembro ng Philippine Army nitong gabi ng Marso 3. Namamalengke lamang ang mga sundalo ng sila’y tirahin ng dalawang teenagers na armado ng .45 pistola.
Tinangay pa ng dalawang salarin ang M16 ng isa sa mga sundalo at saka tumakas. Hindi naman naglabas ng anumang pahayag ang 6th Infantry Division sa naganap, ngunit ayon sa mga ulat ay pawang miyembro ng 37th Infantry Battalion ang mga biktima.
Walang umako sa pagpatay at hindi mabatid kung miyembro ba ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang dalawang salarin o pawang mga agaw-armas lamang o hitman ng ibang rebeldeng grupo.
Naglunsad ang militar ng all-out war kontra BIFF kamakailan at patuloy pa rin ang opensiba sa Maguindanao at ilang bahagi ng North Cotabato na pinagkukutaan ng grupo. Kumalas ang BIFF sa Moro Islamic Liberation Front upang isulong ang kalayaan ng mga Muslim sa Mindanao. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News