ZAMBOANGA CITY – Dalawang katao ang nasawi at tatlo ang nasa kritikal na kondisyon matapos na magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo sa Zamboanga City.
Hindi pa nakikilala ang dalawang nasawi dahil walang nakuhang identification cards mula sa kanila, ngunit magkaangkas ang mga ito sa isang motorsiklo.
Sumalpok ang kanilang sasakyan sa isa pang motorsiklo na kanilang nakasalubong sa highway sa Barangay Bolong nitong Sabado ng gabi. Tatlo naman ang sakay ng isang motorsiklo at nakilala ang mga ito na sina Ian Berano, Edcel Arcillas at Marky Arquiza.
Nasa pagamutan ang mga biktima dahil sa tindi ng mga tama nito sa kanilang katawan. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya, ngunit hindi pa makiusap ang sinuman sa mga biktima.
Parehong wasak ang mga motorsiklo ng dalawang grupo. Talamak ang paglabag ng mga motorcycle rider sa Zamboanga at karamihan sa mga ito ay walang mga ilaw at nagsasakay ng maraming mga pasahero na wala rin mga helmet.
Pinapabayaan lamang ito ng traffic police at Land Transportation Office. Maging ang mga pampasaherong jeep ay puno rin ng mga nakasakay sa Bubungan at marami pa ang mga nakasabit at karaniwang tanawin na ang mga ito dito. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper