
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 9, 2014) – “Pinatira mo na sa iyong bahay, eh ninakawan ka pa,” ito ang naging siste matapos na maaresto ang dalawang war refugees na umano’y nagnakaw ng ibat-ibang kagamitan mula sa isang paaralan na kung saan sila pansamantalang naninirahan.
Nakilala ang dalawang magnanakaw na sina Michael Lucman at Al-Mutlah Maharan na diumano’y siyang nasa likod ng nakawan sa Zamboanga High School-West sa R.T. Lim Boulevard.
Halos malimas ang computer room ng naturang paaralan sa dami ng mga natangay ng dalawang refugees. Kabilang sa mga ninakaw ay mga computer sets, printers, scanners, video camera, webcams, multi-media speakers, sub-woofers, LCD computer screens, headsets, at kung anu-ano pa.
Hindi naman agad mabatid kung sino pa ang kasamahan ng dalawa at kung saan nila ibinenta ang mga nakulimbat sa paaralan. Nilagari ng dalawang magnanakaw ang window grill ng naturang paaralan at saka inalis ang mga jalousies upang makapasok sa lugar.
Natunton ang dalawa matapos na na mahuling nagbebenta ng mga printers dito.
Kabilang ang dalawa sa libo-libo mga war refugees sa Zamboanga na pansamantalang inaasikaso ng pamahalaang lokal habang inaayos pa ang kanilang mga barangay na nasunog sa kasagsagan ng 3 linggong labanan sa pagitan ng Moro National Liberation Front at militar noon Setyembre. Mahigit sa 400 ang sugatan at napatay sa naturang giyera at 120,000 ang bilang ng mga refugees na apektado ng gulo. (Mindanao Examiner)