
ZAMBOANGA SIBUGAY (Mindanao Examiner / Apr. 2, 2013) – Tatlong katao ang dinakip ng pulisya dahil sa umano’y pangba-blackmail nito sa isang negosyante ng agri-veterinary supply sa bayan ng Bugg sa Zamboanga Sibugay province.
Ayon kay Insp. Ariel Huesca, ang spokesman ng pulisya sa Western Mindanao, ay nahuli umano sa isang entrapment sina Maricris Juyod, 29; Eden Puengan, 32; at Hermie Canillo, 43, sa sentro mismo ng Buug na kung saan ay nabawi sa kanila ang marked money na nagkakahalaga ng P350,000.
Hiningi umano ng tatlo ang salapi mula kay Francis Gumansing matapos itong takutin na ilalabas sa publiko ang mga larawan ng umano’y paghahalo ng mga ibat-ibang fertilizers sa bodega at pagbebenta nito sa kanyang tindahan sa Buug.
Lingid sa tatlong suspek ay agad naman humingi ng tuklong si Gumansing sa pulisya at nagsagawa naman ng entrapment operation ang awtoridad sa pangunguna ni Insp. Jerwin Cagurin, ang hepe ng pulisya sa nasabing bayan.
Nahaharap sa kasong kriminal ang tatlo dahil sa reklamo mismo ni Gumansing, ngunit hindi naman mabatid kung totoo ang bintang laban sa negosyante. (Mindanao Examiner)