ZAMBOANGA CITY – Nilusob ng pulisya kaninang madaling araw ang isang bahay ng diumano’y miyembro ng Abu Sayyaf sa Zamboanga City, ngunit nakatakas ito subali’t arestado naman ang asawa at dalawang biyenan nito matapos na mabawi ng mga parak ang isang granada at bomba na gagamitin sana sa atake sa pagbubukas ng klase dito.
Sinabi ni Supt. Felixberto Martinez, hepe ng Special Investigation Unit ng lokal na pulisya, na nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa naturang plano kung kaya’t pinasok nila ang Sitio Marangan sa Barangay Muti upang dakpin ang suspek na nakilalang si Abu Walid.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang asawa ni Walid na si Satriyana, gayun rin ang mga magulang nitong sina Basir at Sarah Tibulong na tumangging may kinalaman sa mga pampasabog na nakuha sa kanilang bahay.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad upang madakip si Walid, ngunit hindi pa mabatid kung nasa Basilan na ba ito o narito pa.
Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na maging alerto sa kanilang kapaligiran at ipagbigay alam agad sa awtoridad ang anumang mga impormasyon ukol sa Abu Sayyaf o kaya ay mga suspetyosong tao at kagamitan sa kanilang mga barangay. (E. Duma)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News