
CAGAYAN DE ORO CITY – Tatlong parak ang sugatan matapos silang pasabugan ng granada habang naghahain ng arrest warrant sa isang hinihinalang drug pusher na napatay rin sa Cagayan de Oro City sa northern Mindanao.
Hindi naman kinilala ng pulisya sa Cagayan de Oro ang mga biktima at ang nasawi. Naganap ito nitong Martes ng gabi sa Barangay Bulua di-kalayuan sa commuter terminal doon.
Kinumpirma naman ito kahapon sa Abante ng isang imbestigador sa Bulua Police Station.
“Police operation yun. Nagsi-serve ng warrant yun pulis natin pero pinasabugan sila ng granadang suspek na may kaso in connection sa droga. Napatay rin yun suspek at yun pulis natin ay nasa pagamutan pa,” wika pa ng imbestigador sa panayam ng Abante.
Sa Basilan province naman, isang warehouse rin ang pinasabugan ng granada sa Lamitan City ng isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo kamakalawa rin ng gabi, ngunit wala naman inulat na nasawi o sugatan.
Hinihinalang extortion o away-negosyo ang motibo sa atake. (Mindanao Examiner)