
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / July 30, 2014) – Tatlong katao ang seryosong nasugatan matapos silang pagtatagain ng isang 18-anyos na binata na sinasabing may sakit sa utak sa bayan ng Roxas sa Zamboanga del Norte province.
Sinabi ng pulisya kahapon na nadakip rin ng mga parak ang binata na nakilalang si Joseph Bulanda sa Barangay Dinoman na kung saan naganap ang krimen. Nabatid na unang tinaga ni Joseph ang kapatid nitong si Jeneth, 21, habang natutulog ito sa kanyang kuwarto kamakalawa ng madaling araw.
Sa leeg umano pinuntirya ni Joseph ang kapatid at matapos ay sinugod naman nito ang kapit-bahay at tinaga naman sa mukha at braso ang 73-anyos na biyudang si Marcosa Becada
At isibnunod naman ang kapit-bahay na si Raul Emotin, 38, at sa ibat-ibang bahagi naman ng katawan ito pinagtataga. Mabilis rin na tumakas si Joseph, ngunit nahabol pa rin ito ng mga parak sa lugar at nadakip.
Matagal na umanong may sayad sa kanyang ulo si Joseph subali’t dahil sa kahirapan ay hindi naman ito maipagamot ng kanyang pamilya. Hindi pa mabatid kung ano ano dahilan ng pagwawala nito. (Mindanao Examiner)