
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / July 3, 2014) – Dahil sa hamburger at juice drink ay na-ospital ang halos 30 mga bata sa Cagayan de Oro City na sinakitan ng tiyan at pagsusuka at inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkalason o food poisoning ng mga ito.
Isinugod sa J.R. Borja Memorial Hospital ang mga biktima upang malapatan ng kaukulang lunas habang sinusuri naman ang mga burgers at juice na ibingay sa mga bata na dumalo sa isang birthday party kamakalawa sa Barangay Bonbon.
Sinabi ng mga magulang ng mga bata na bigla na lamang sumakit ang tiyan at nagsusuka ang mga biktima ilang minuto matapos na kumain ng hamburger at uminom ng juice. Hindi pa mabatid kung saan galing ang mga hamburger o kung ito ba ay homemade o binili sa restaurant.
Noon nakaraang linggo ay mahigit sa 100 residente rin ng Barangay Tablu sa bayan ng Tampakan sa South Cotabato ang na-ospital dahil sa pagkain na isinilbi sa kanila sa isang pagtitipon ng mga natibong B’laan. (Mindanao Examiner)