
ZAMBOANGA DEL SUR (Mindanao Examiner / Dec. 9, 2013) – Walang naisalba na anumang kagamitan ang halos 40 pamilya sa bayan ng Molave sa Zamboanga del Sur matapos lamunin ng apoy ang isang bahagi ng barangay doon.
Ayon sa mga awtoridad ay nagmula sa mga ikinabit na Christmas light ang sunog sa Barangay Culo na tumupok sa mga kabahayan. Hinihinalang gawa sa China at sub-standard ang naturang Christmas light at hindi dumaan sa inspeksyon ng Department of Trade and Industry ang mga ito.
Sinabi naman ni Gerry delos Santos, ng lokal na Disaster Risk Reduction and Management Council, na tinatayang aabot sa P3 milyon ang pinsala sa sunog dahil naabo lahat ang mga kabahayan doon.
Agad naman namahagi ang pamahalaan ng Molave ng 25 kilo ng bigas at iba pang pangangailangan ng mga nasunugan na ngayon ay nasa evacuation center. Maglalaan rin umano ng pondo ang pamahalaan para sa pansamantalang tirahan ng mga biktima ng sunog.
Nagpaalala rin ang Bureau of Fire sa publiko na mag-ingat sa mga binibiling Christmas lights at siguraduhin dumaan ang mga ito sa inspeksyon ng DTI at may seal ang mga ito na pumasa sa product standards ng pamahalaan. (Ely Dumaboc)