KIDAPAWAN CITY – Umabot sa 39 mula sa 543 na mga barangay sa North Cotabato ang inaasahang lalahok sa gagawing plebisito sa bubuuing Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kapalit ng kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ang Bangsamoro Organic Law (BOL) or Republic Act 11054 ang bumuo ng BARMM. Ayon kay Abdullah Cusain, ang head ng Media Affairs Committee para sa BOL, na kabilang sa mga barangay ay mula sa mga bayan ng Pigcawayan, Midsayap, Aleosan, Pikit, Carmen at Kabacan.
Ang ARMM ay pinalawak sa pamamagitan ng Republic Act 9054 para isama ang mga lugar na tumutol na isama ang kanilang lugar sa Autonomous Region. Noong Agosto 14, 2001 isinagawa ang plebisito at 39 sa mga barangay sa North Cotabato ang pumayag na isali ang kanilang lugar sa Bangsamoro. Ngunit hindi umano sa takdang bilang ang bumuto kaya hindi ito napasama at ngayon ay muling lalahon sa plebisito.
Dahil dito babalikan ang nasabing mga barangay sa gagawing plebisito sa Nobyembre para sa bagong BARMM kung papayag ang mga ito.
“Sa pag-constitute ng Bangsamoro Government, especially the territory, may 5 classifications. Magkakaiba ang appreciation sa plebiscite. Una na ang ARMM, cities of Cotabato and Isabel, 6 towns of Lanao del Norte, and 39 villages in North Cotabato which voted YES no’ng 2001 plebescite,” wika ni Cusain sa panayam ng dxND Radyo BIDA.
“Paano ang appreciation ng results, particularly in North Cotabato? This is my answer, yun municipality to where those barangays belong ay sasali rin sa plebisito. Sa plebisito, the entire municipality ay tatanungin. Halimbawa, sa Carmen – ang 2 barangay na ito, pag nanalo ang yes votes over the entire municipality, ang mapapasok lamang sa Bangsamoro Government ay ‘yung dalawang mga barangay,” paliwanag pa ni Cusain.
Pero ang 39 na mga barangay, iilan lamang ditto ang magkakalapit o contiguous.
Sa North Cotabato ang mga barangay na lalahok sa plebesito ay ang mga sumusunod: Dunguan, Lower Mingading, Tapodoc sa bayan ng Aleosan; Barangay ng Manarapan at Nasapian sa bayan ng Carmen; Barangay ng Nanga-an, Simbuhay at Sanggadong sa bayan ng Kabacan; Barangay ng Damatulan, Kadigasan, Kadingilan, Kapinpilan, Kudarangan, Central Labas, Malingao, Mudseng at Nabalawag.
Gayun rin ang Olandang, Sambulawan at Tugal sa bayan ng Midsayap; Barangay ng Lower Baguer, Balacayon, Buricain, Datu Binasing, Kadingilan, Matilac, Patot at Lower Pangangkalan sa bayan ng Pigcawayan at mga Barangay ng Bagoinged, Balatican, S. Balong, S. Balongis, Batulawan, Buliok, Gokotan, Kabasalan, Lagunde, Macabual at Macasendeg sa bayan ng Pikit. (Rhoderick Beñez)