
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 11, 2013) – Nagpadala ng barko ang Philippine Navy sa Tawi-Tawi upang sunduin ang tinatayang 400 mga Pinoy na lumikas sa kaguluhan sa North Borneo.
Nabatid na nasa Taganak Island ang mga Pinoy at karamihan sa kanila ay pawang mga Muslim mula sa lalawigan ng Sulu, Basilan, Zamboanga at mainland Tawi-Tawi. Dumating umano ang mga ito mula pa nuong nakaraang lingo at natipon sa nasabing isla.
Hindi naman agad makakuha ang lokal na media ng impormasyon ukol sa mga tumatakas sa North Borneo dahil tikom pa rin ang bunganga ng mga opisyal ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City.
Walang makuhang impormasyon sa hepe ng Western Mindanao Command na si General Rey Ardo at sa tagapagsalita nitong si Col. Rodrigo Gregorio mula ng sumiklab ang kagukuhan sa North Borneo. Maging ang kanilang mga cell phones ay nakapatay rin upang makaiwas sa anumang panayam ng media.
Mahigit sa 50 na ang napapatay ng Malaysia sa mga tauhan ni Sultan Jamalul Kiram sa North Borneo na pagaari ng Sultanate of Sulu. Ipinadala ni Sultan Jamalul ang mahigit sa 200 tagasunod doon sa pangunguna ng kapatid na si Raja Muda Agbimuddin upang ipaglaban ang karapatan sa North Borneo na inagaw ng Malaysia. (Mindanao Examiner)