ITO ANG naging tugon ni Senator Panfilo Lacson dahil sa umano’y pagiging malambot ng pamahalaang Duterte sa pamba-braso ng China hindi lamang sa mga mangingisdang Pinoy, ngunit maging sa pagsakop nito sa mga isla ng ating bansa sa South China Sea at pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Sinabi ni Lacson na ang bansa sa ilalim ng pamumuno ni Duterte ay naging “too friendly, too accommodating” sa kapritso ng China. “The fact that there are…Chinese vessels ng mga militia, not even fishermen, anong ini-indicate noon? Tapos sasabihin natin hindi naman tayo pwedeng makipag-giyera sa China, isang missile lang tapos na tayo. So kung ganoon rin lang, pasakop na tayo, ‘di ba?” ani Lacson sa CNN Philippines.
Matatandaang paulit-ulit na sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga public speeches na walang magagawa ang ating bansa laban sa China sa kabila ng maraming abuso ng mga Chinese Coast Guard sa teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.
Ito ay sa kabila ng matinding batikos na ibinabato ng publiko kay Duterte dahil sa pagiging inutil umano nito pagdating sa isyu ng China na siyang inuutangan ng Pangulo upang maisulong ang infrastructure program nitong “Build, Build, Build” kahit lubog na lubog sa utang ang Pilipinas.
Sinabi pa ni Lacson na kinumpirma na rin ng Armed Forces of the Philippines na nagkalat ang napakaraming barko ng China sa paligid ng Pag-asa Island. Wala rin magawa ang militar dahil sa katayuan o pagkampi ni Duterte sa China.
Ayon kay Lacson, mas mabuti pang itigil na ni Duterte ang pagsasabi sa publiko na walang kakayahan ang Pilipinas na ipagtanggol ang karapatan ng bansa o ng mga Pilipinong mangingisda sa South China Sea.
Maging ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay mistulang inutil na rin matapos nitong sabihin sa mga mangingisdang Pinoy na umiwas na lamang sa South China Sea. “Alam mo nang mahina ka, huwag mo nang ipagsigawan na mahina ka kasi lalo kang ibu-bully (ng China),” wika pa ni Lacson.
Wala rin aksyon si Duterte sa United Nations Arbitral Tribunal decision na nagpatibay sa sovereign rights ng Pilipinas sa South China Sea. At ang masakit pa nito ay nagsagawa ng exploration ang China sa Benham Rise na teritoryo ng ating bansa at 5 sa mga underwater features ay walang takot na inako ng China at pinangalanang Haidongqing Seamount, Jinghao Seamount, Tianbao Seamount, Jujiu Seamounts at Cuiqiao Hill. (Mindanao Examiner)
Thank you so much for visiting our website. Your small donation will ensure the continued operation of the Mindanao Examiner Regional Newspaper. Thank you again for supporting us. BPI: 952 5815649 (BOPIPHMM) Landbank: 195 113 9935 (TLBPPHMM)