NORTH COTABATO – Limang katao ang nasawi sa magkakahiwalay na pamamaril sa bayan ng Pikit sa North Cotabato mula pa kamakalawa hanggang ngayong Miyerkules.
Ayon sa pulisya, pinakahuling napatay ang dalawang lalaki at isa sa kanila ay nakilalang si Raphael Arellano. Nasawi ang mga ito matapos silang ratratin ng mga armadong sakay ng isang multicab sa Barangay Maulanan dakong alas 8 ng umaga.
Patay rin ang isang 23-anyos na si Monana Laba ng barilin ito ng di-kilalang salarin habang umaani ito ng mais sa Barangay Bualan nitong Martes ng hapon. Pinaniniwalaang ang pagpaslang kay Laba ay konektado umano sa nangyaring ambush noong Lunes na ikinasawi ng dalawang mga pro-government militia at isang buntis sa naturang bayan.
Bago ang nasabing pamamaril ay napatay naman ang isang habal-habal drayber habang sugatan naman ang isa sa magkahiwalay na atake. Isa sa mga biktima ay nasawi at kinilalang si Nasrudin Gado Lantawan, 23, at residente ng Barangay Balong.
Sinabi ni Chief Inspector Rommy Castañares, hepe ng Pikit police office, galing sa kanilang bahay ang biktima at patungo ng Poblacion alas-7:30 ng umaga nitong Martes ng harangan ng isa katao na nagpanggap na pasahero. Bigla namang lumabas mula sa masukal na lugar ang isang lalaki at saka pinagbabaril ang biktima gamit ang M14 rifle.
Ito ay batay naman sa basyo ng bala na narekober sa crime scene. Samantala, pdakong alas-10:20 ng umaga ng Martes ay napatay rin si Jeffrey Piado Wamar, 31, at residente ng Barangay Kolambog. Pinagbabaril ito sa Barangay Manaulanan.
Lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo patungo sana ng Poblacion ng harangin ng dalawang salarin at saka pinagbabaril. Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang tiyan ang biktima na mabilis namang isinugod ng mga residente sa lugar sa bahay pagamutan.
Patuloy na iniimbestigahan ang mga insidente ng pamamaril sa Pikit na kung saan sa loob ng tatlong araw ay 8 katao na ang napatay. Hindi pa mabatid ang mga motibo sa serye ng pamamaril sa nasabing bayan. (Rhoderick Beñez)