KIDAPAWAN CITY – Bigo ang pulisya at militar na matunugan ang clan war na kumitil sa buhay ng apat na katao sa Lanao del Sur matapos mag-pangabot ang dalawang magkatunggaling pamilya sa bayan ng Bacolood Kalawi.
Hindi pa mabatid kung bakit nakalusto sa mga checkpoint ang mga armadong grupo ng pamilyang Dipatuan at Amanodin kamakalawa ng hapon. Apat sa panig ng pamilyang Amanodin ang nasawi sa labanan.
Walang impormasyon kung may patay sa kampo ng mga Dipatuan o kung may sugatan sa magkabilang panig. Kinumpirma lamang ng Philippine Army ang naturang sagupaan na nagtagal ng ilang oras sa Barangay Gandamato.
Maging ang mga sundalo na nagresponde sa lugar ay binakbakan rin kung kaya’t nagmistulang free-for-all ang labanan. Hindi nagbigay ng anumang pahayag ang Western Mindanao Command kung bakit o papaanong nakalusot ang mga armado sa nasabing bayan ng hindi man lamang natunugan ng militar gayun nasa ilalim ng martial law ang buong Mindanao.
Matagal na umanong may alitan ang dalawang angkan at kabilang sa pina-ugatan diumano nito ay lupa at pulitika.
Dalawa rin ang nasawi sa isa pang clan war sa Tacurong City sa Sultan Kudarat matapos na pasukin ng mga armado ang bahay ng mga biktima at saka sila niratrat. Nasawi rin ang isa sa mga salarin sa labanan habang nakatakas ang ibang mga kasamahan nito. Agad naman sumibat mga salarin matapos ng labanan nitong Biyernes rin. Sinabi ng pulisya kahapon na rido ang dahilan ng krimen. (Rhoderick Beñez)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com /http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper