
DIPOLOG CITY (Mindanao Examiner / Mar. 9, 2014) – Dinakip ng pulisya ang 7 kabataan dahil sa umano’y hazing matapos na lumutang ang isang teenager na kagagaling lamang sa isang initiation ng grupong X-tribu sa Zamboanga del Norte.
Nabatid na pawang mga teenager lahat ng mga inaresto, kabilang ang isang 13-anyos, at residente ng Barangay Siari sa bayan ng Sindangan. Nagsasagawa umano ng kampanya kontra hazing sa lugar ang pulisya sa pangunguna ni PO1 Carolyn Ubas ng lumutang ang biktima at doon nabatid ang naganap sa kanyang pananakit.
Nagsagawa ng kampanya ang pulisya dahil na rin sa mga reklamo ng mga magulang ukol sa mga fraternity initiation sa lugar. Nabawi rin ng pulisya ang paddle na ginamit sa biktima.
Agad naman dinala sa pagamutan ang 16-anyos na bitktima dahil sa tinamong mga pasa sa hita at ibang bahagi ng katawan. Sinabi ng pulisya na ipinatawag na umano ang mga magulang ng 7 kabataan dahil sa paglabag nila sa Republic Act 8049 o ang Anti-Hazing Law.
Ibinigay naman ng pulisya sa Department of Social Welfare and Development ang mga teenager. (Mindanao Examiner)