KIDAPAWAN CITY — Dumulog sa himpilan ng Kidapawan City Police nitong Huwebes ng hapon ang ilang kasapi ng Special Action Force o SAF na nakabase dito makaraang mabiktima diumano ng multi-milyong rice scam.
Ayon kay PO3 Abdullah Asiri na kasapi ng SAF-North Cotabato, ay aabot sa 70 na kasamahan nila ang nabiktima ng fake rice investment scam ng suspek na si Mamot Mangacop. Nagtiwala umano ang marami sa kanila, dahil ang nag-recruit sa kanila ay ang asawa ng suspek na kasama nilang pulis na si PO3 Beltzasar Elorcosa Aporbo Jr.
Ang pera ng SAF men ay ipunuhunan umano sa negosyo ng mag-asawa na buy and sell ng bigas.
Aabot sa P30-40 milyon ang nakuha diumano ng mga suspek mula sa miyembro ng SAF, kasapi ng Bureau of Fire Protection, ilang mga sibilyan at kawani ng Kapitolyo.
Maghahain naman ng kaso ang mga nabiktima ng diumano’y scam sa korte laban sa mga suspek. Hindi naman agad makunan ng pahayag ang mag-asawang suspek sa mga alegasyon at bintang laban sa kanila. Hindi rin nagbigay ng pahayag ang pamunuan ng pulisya sa naturang mga bintang. (Rhoderick Benez)