
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Nov. 21, 2012) – Walong katao ang sugatan matapos na masabugan ng granada kahapon sa labas lamang ng isang financing company sa Cagayan de Oro City sa northern Mindanao.
Ayon sa mga awtoridad ay dalawa sa mga sugatan ay pawang mga parak. Sa harapan lamang ng Golden Sun Financing Corporation sumabog ang granada at ilang metro lamang ito sa kampo ng pulisya sa highway sa Barangay Lapasan.
Agad naman naisugod sa pagamutan ang mga biktima, subalit hindi pa mabatid kung sino ang nasa likod ng atake at kung ang lending firm ba ang target nito.
Nuong nakaraang buwan lamang ay dalawang katao ang nasawi sa pagsabog naman ng bomba sa labas ng isang hotel na kung saan ay tatlong katao ang sugatan.
Hindi naman sinabi hg pulisya o militar kung konektado ang dalawang pagsabog o kung ano ang motibo nito. Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang atake. (Mindanao Examiner)