
ZAMBOANGA DEL SUR – Naharang ng Philippine Army at pulisya sa bayan ng Margosatubig sa Zamboanga del Sur ang isang baroko na may lulang 8,000 sako ng bigas na diumano’y ipinuslit mula lalawigan ng Tawi-Tawi sa katimugan ng bansa.
Sinabi sa Mindanao Examiner Regional Newspaper ni Insp. DSahlan Samuddin, ang regional police spokesman, na may isinasagawang imbestigasyon ang awtoridad sa pagkakapuslit ng mga bigas mula Tawi-Tawi.
Nasabat ito ng alertong mga miyembro ng 53rd Infantry Battalion at pulisya sa Margosatubig matapos na dumaong ang M/V Amenia sa pier doon kamakailan lamang.
Galing pa umano sa bayan ng Taganak ang barko na dala ni Capt. Jade Jackaria, ngunit hindi naman sinabi nito kung sino ang may-ari ng mga bigas na galing ng Sabah, Malaysia.
Nagkakahalaga ang bawat sako ng 25-kilong bigas mula P650-P750 at mas mura kung ihahambing sa lokal na bigas na P1000-P1200. (Mindanao Examiner)