
MANILA (Mindanao Examiner / Sept. 2, 2014) – Tulad ng inaasahan, ibinasura ngayon ng mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino ang tatlong impeachment complaints na inihain laban sa kanya ng ibat-bang grupo at sektor kaugnay sa isyu ng Disbursement Acceleration Programo DAP at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement sa Estados Unidos.
Maging ang debate sa Kongreso ukol sa mga merito ng kaso ay naging mainit rin sa pagitan ng mga sumusuporta at nagsusulong sa impeachment complaints at mga mambabatas na nasa likod ng Pangulo.
Ibinasura ang mga reklamo laban kay Aquino dahil “insufficient in substance” diumano ang mga ito. Ito rin ang ibinato ng oposisyon kay Aquino sa paglalagda nito sa EDCA na nagbibigay ng malawak na access sa mga tropang Kano sa bansa. Nasa Korte Suprema pa ang isyu ukol sa EDCA.
Sa reklamo kontra kay Aquino, sinabi ng mga naghain nito na isang “culpable violation” sa Saligang Batas at “betrayal of public trust” ang implementasyon ng DAP. Naunang idineklara ng Korte Suprema na illegal at unconstitutional ang DAP na pinalagan naman ni Aquino at ng mga kaalyado nito sa Kongreso na karamihan ay nakinabang doon.
Ang DAP ay brainchild ni Aquino at Budget Secretary Butch Abad at binuo ito upang may dahilan ang Malakanyang na magamit ang mga salapi o pondo na nakalaan para sa ibang bagay sa anumang naisihan ng mga ito.
Matatandaang inakusahan rin noon ng oposisyon si Aquino at Abad na ginamit ang DAP upang isuhol sa mga politiko para sa conviction ni Renato Corona, ang dating pinuno ng Korte Suprema. Binansagan naman ng mga militante ang DAP na siyang “pork barrel” fund ni Aquino, bukod pa ang limpak-limpak na pondo mula sa Presidential Social Fund.
Nagsimula ang DAP noon Oktubre 2011 matapos na aprubahan ito ni Aquino sa rekomendasyon umano ng Development Budget Coordination Committee at ng Cabinet Clusters bilang “stimulus package” ng administrasyon para sa mga sari-saring proyekto.
Bilyon-bilyong pisong pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa DAP. Mula 2011-2012, umabot sa P142.23 bilyon ang inilabas para sa mga programa at proyekto – P83.53 bilyon noon 2011 at 58.70 bilyon naman sa 2012. Sa 2011, karamihan sa mga pinaglaanang pondo ng DAP ay napunta sa healthcare, public works, housing and resettlement, gayun rin sa agriculture at iba pa.
At noon 2012, ginamit naman ang pondo ng DAP sa turismo at road infrastructure, school infrastructure, rehabilitation at extension ng kontrobersyal na light rail transit systems, at ang sitio electrification.
Sa taong 2013, umabot naman ang pondo ng DAP sa P15.13 bilyon at ginamit naman ito para sa karagdagang tauhan ng pulisya at bilang dagdag-pondo rin sa modernization ng pambansang pulisya at sa redevelopment ng Roxas Boulevard sa Maynila at maging sa rehabilitation projects sa mga lugar na napinsala ng bagyong Pablo sa lalawigan ng Compostela Valley at Davao Oriental.
Ginamit rin ang DAP para pondohan ang mga proyekto ng mga piling mambabatas at umabot ito sa P142.23 bilyon mula 2011-2012. At karamihan sa mga salaping inilaan para sa DAP ay galing diumano mula sa mga savings ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan at ang ang mga “realignment at unprogrammed” funds na aprubado rin ni Aquino, kabilang dito ang mga pondong mula sa remittance ng dividends ng mga government-owned and controlled corporations and government financial institutions at mga pinagbentahan ng mga government assets.
Hindi naman agad mabatid ng Mindanao Examiner kung gaano kalaking salapi ang nakuha ng DAP mula sa Malampaya Fund kung mayroon man, ngunit ang pondo mula sa Malampaya ay maaari lamang gamitin sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya.
Ipinag-matigasan noon ni Abad at Aquino na legal ang DAP base na rin sa Article VI Section 25 (5) ng 1987 Constitution. “…the President, the President of the Senate, the Speaker of the House of Representatives, the Chief Justice of the Supreme Court, and the heads of Constitutional Commissions may, by law, be authorized to augment any item in the general appropriations law for their respective offices from savings in other items of their respective appropriations.”
At ang Book VI Chapter 5 Section 39 of the 1987 Administrative Code na nagsasabing: “Except as otherwise provided in the General Appropriations Act, any savings in the regular appropriations authorized in the General Appropriations Act for programs and projects of any department, office or agency, may, with the approval of the President, be used to cover a deficit in any other item of the regular appropriations….”
Sa kabila nito, sinabi naman ni Aquino na nais niyang maiwan sa bawat mamamayan ang isang legacy ng maayos na pamamalakad ng pamahalaan at magsilbing role model. “If there is a singular legacy that I am leaving and sana, masanay ang kababayan natin na ito ang kaya ng gobyernong pinapatakbo nang matino,” ani Aquino.
Mariing binatikos naman ng Anakbayan at ibang mga grupo ang pagbasura sa impeachment complaints.
“We condemn the railroaded murder of the impeachment complaints. Aquino’s pork gang in congress killed accountability and truth in the name of pork. The shameless act shows Aquino’s desperation. This shows that he is afraid of truth and accountability,”wika ng Anakbayan sa ipinadalang pahayag sa Mindanao Examiner at nagbanta pa ang grupo na dadalhin sa kalye ang protesta laban kay Aquino.
Matatandaang inindorso ni Rep. Neri Colmenarez noon Hulyo 21 impeachment complaint laban kay Aquino.“Ang culpable violation ay nangangahulugan ng wilful and deliberate violation o sinasadyang paglabag. Kung alam ng Pangulo na labag sa Saligang Batas, pero ginawa niya pa rin, iyon po ay willful ant deliberate violation, kaya culpable o sinasadyang paglabag,” sabi pa ni Colmenarez.
Sa ilalim ng DAP, pinagsama-sama ang naturang pondo at inilipat sa ibang pagkakagastusan, lihis o taliwas sa inaprubahan ng Kongreso at ng GAA. Aabot sa P144 bilyon ang pondong DAP na ginastos ni Aquino na siya lang ang nagpasya at labag sa pasya ng Kongreso at ng Batas.
Iginiit ni Colmenarez na sinadyang nilabag ni Aquino ang Saligang Batas na nagbabawal ng transfer of appropriations at nagtatadhana ng paggamit ng savings ayon sa itinakda ng batas. Iniutos umano ni Aquino sa pamamagitan ng National Budget Circular 541 at iba pang memorandum na i-withdraw ang mga unobligated allotments sa kalagitnaan ng taon at idineklara ito kasama ng unreleased funds bilang savings at ginamit para sa ibang proyekto o programa.
“Ang susing tanong ay savings ba ayon sa batas ang unobligated allotments sa kalagitnaan taon? Ang sagot ay hindi savings ang unobligated funds sa kalagitnaan ng taon at wala sa definition ng savings ang unobligated funds sa GAA nooong 2011, 2012 at 2013.”
“Ano ba ang unobligated funds? Ito yung pondo para isang proyekto na hindi pa na-bid at nagkaroon ng kontrata o obligasyon. Walang karapatan si Aquino na hugutin ang unobligated funds bago matapos ang taunang budget,” paliwanag pa ni Colmenarez.
Ayon kay Colmenarez, hindi maipagkakaila at alam diumano ni Aquino na ang ginawa niyang savings ay wala sa definition ng batas. Sa katunayan, gustong pagtakpan ni Aquino ang paglabag na ginawa niya sa panukalang idagdag ang unobligated funds as of June 30, 2015 sa definition ng savings sa 2015 proposed national budget.
Sinabi pa nito na mawawalang saysay ang poder ng Kongreso na magpatibay ng taunang batas sa budget kung tatanggapin ang pinalawig na depinisyon na savings dahil kalagitnaan ng taon maaari nang baguhin at ilipat-lipat ni Aquino ang appropriations ng mga unobligated funds gamit ang maskara ng savings.
“Malinaw na sinasabi sa Saligang Batas “no law shall be pass allowing transfer of appropriations”; ang tanging exception ay ang pag-augment ng items sa respective offices mula sa savings na itinakda ng batas. Hindi savings ang unobligated funds sa kalagitnaan ng taon, ito ay appropriations na may kalahati pang taon na nalalabi para isakatuparan, bawal itong ilipat ng gamit. Kung bawal sa Konstitusyon na magpasa ng batas sa transfer of appropriation lalung bawal na ang presidente maglabas ng utos sa transfer of appropriations,” ani Colmenarez.
Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na transparent ang proseso ng dismissal ng impeachment cases laban kay Aquino.
“The Committee on Justice of the House, after a thorough review of the allegations in terms of its substance, has dismissed the complaints against the President. We take note that the process took place with transparency, not just according to the rules, but to give the proponents every opportunity to make their case,” ani Valte.(Mindanao Examiner)