
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Sept. 2, 2014) – Patay ang isang kahero ng night club matapos itong tambangan kahapon ng madaling araw ng mga di-kilalang salarin na nakasakay sa motoriklo sa Zamboanga City.
Ayon kay Insp. Dahlan Samuddin, ang regional police spokesman, ay pauwi na sana sa kanyang bahay si Richard Ong Lozada, 46, ng ito’y ratratin ng riding-tandem sa intersection ng Estrada St. at Don Toribio St. sa Barangay Tetuan.
Kahero ng El Bonita Bar sa Barangay Tetuan ang biktima at nabatid na bago umuwi ay nakipag-inuman pa itong si Lozada kasama ang mga kaibigan sa Veterans Avenue. At mag-isang umuwi sakay ng sariling motorsiklo ng ito’y buntutan ng dalawang lalaki at saka pinagbabaril.
Agad rin tumakas ang dalawang salarin matapos ng pananambang. Nabawi naman ng pulisya ang tatlong basyo ng bala ng .45-kalibre sa lugar ng krimen.
Sinabi ni Samuddin na isinugod pa sa pagamutan si Lozada, ngunit namatay rin habang nasa operating table. Hindi pa mabatid ang motibo sa pagpatay o kung may kinalaman ba sa babae o away ang krimen, ngunit patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Talamak ang barilan sa Zamboanga dahil na rin sa mga naglipanang hired killers. (Mindanao Examiner)