
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Sept. 1, 2014) – Naghigpit ng siguridad sa Zamboanga City airport matapos na pumutok ang balita na isang car bomb ang natagpuan kahapon sa parking area ng Ninoy Aquino International Airport na kung saan ay apat na katao ang dinakip.
Todo-bantay na rin sa Zamboanga at bukod sa mga pribadong security guards ay may mga parak na sa entrance ng airport bilang paniguro na walang makakalusot na pampasabog o armas.
Matatandaang binomba ang Zamboanga airport noon Agosto 2010 at target nito ay si dating Sulu Gov. Sakur Tan at ang kanyang pamilya. Isang sibilyan rin ang nasawi at mahigit sa 2 doseang katao ang sugatan sa naturang pagsabog sa arrival area ng airport. Sumabog ang backpack ng karpenterong si Reynaldo Apilado matapos itong ipadala sa kanya ng kalaban ni Tan sa pulitika.
Nagdagdag na rin ng patrulya sa Zamboanga at maraming mga parak sa sentro ng naturang lungsod bilang bahagi na rin ng nalalapit na paggunita sa atake ng Moro National Liberation Front dito.
Hindi naman sinabi ng mga awtoridad sa Maynila kung anong grupo kabilang ang apat na nadakip kaugnay sa pagkakadiskubre ng car bomb sa Terminal 3. (Mindanao Examiner)