
MANILA (Mindanao Examiner / Aug. 28, 2014) – Nanawagan ngayon ang media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa mga otoridad na gawan ng paraang ma-freeze ang mga kayamanan ng pamilya Ampatuan matapos itong maakusahan ng panunuhol.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, halos limang taon na o 57 buwan na ang nakararaan mula nang maganap ang malagim na krimeng kinasangkutan ng napakaraming media men ngunit wala pa ring nangyayari sa kaso.
“May 57 months na ang nakalilipas nang walang awang pinatay ang 58 katao, pero wala pa rin linaw ang kaso. Pag pera talaga ang nagsalita, lahat nakikinig,” ani Yap.
Dagdag pa ni Yap, kung walang pera ang mga Ampatuan ay walang magaganap na suhulan.
Nabalitaan umano ng ALAM na patuloy na nag-aakyat ng limpak-limpak na salapi ang nagkalat na negosyo ng mga Ampatuan sa Mindanao.
“May fleet sila ng taxi, may asyenda, may bakahan, at kung anu-ano pa,” aniya. “Wala nga sa pangalan ng mag-amang (Andal Sr, Andal Jr at Zaldy) Ampatuan ang mga negosyo, pero kumikilos naman ang kanilang mga dummies na kamag-anak din nila.”
Nagpalit na umano ng apelyido ang karamihan sa mga Ampatuan ngunit nananatili ang loyalty nila sa kanilang datu kaya namumuhay pa rin ng marangya lahat.Dagdag pa ni Yap, marami nang ipinangako ang administrasyong Aquino para maresolba ang nasabing kaso ngunit wala pa ring resulta ang kaso.
Matatandaang naganap ang tinaguriang Maguindanao massacre kung saan nahukay ang pinagbaunan sa may 58 katao noong umaga ng November 23, 2009. Kasama sa mga pinatay ang asawa ni Esmael Mangundadatu, ngayon ay gobernador ng Maguindanao; dalawang kapatid na babae, 34 mamamahayag, mga abugado, aides, at mga motoristang nakasaksi o inakala ng mga killers na nakasaksi sa krimen.
Ito ang pinakamalaking bilang ng pagpatay sa mga mamamahayag mula pa noong 1992. Dahil dito, itinuring ang Pilipinas na ikalawang pinakadelikadong bansa para sa mga journalists, kung saan ang nangunguna ay ang Iraq.
Idinagdag naman ni Yap na nakababagot na ang mabagal na takbo ng paglilitis sa Maguindanao massacre. Nagtataka rin umano ang lahat kung bakit napakatagal mabigyan ng hustisya ang mga biktima. Maging si Pres. Benigno Simeon Aquino ay nagpahayag na rin ng pagkadismaya.
“Kung kaming hindi kaanak ng mga biktima ay nakakadama na ng sobrang frustration, yun pa kayang mga namatayan? Kelan pa maibibigay ang hustisya? Pag patay na rin ang mga akusado?” tanong pa ni Yap.
Nauunawaan umano nilang kailangang busisiing mabuti ang kaso, ngunit napakatagal ng limang taon para dito. “Abot sa 198 ang suspek sa kasong ito pero iilan lamang ang nasa kulungan. Lahat ng akusado, daraan sa arraignment, petition for bail, at kung anu-ano pa, at napakatagal noon,” wika ni Yap.
Nakatakda sa September 3 sa Quezon City court ang unang pagdinig at pahsusumite ng mga ebidensya upang suportahan ang petition for bail na isinumite ni dating Autonomous Region for Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan.
Inatasan naman ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Reyes ang Heffron Esguerra Dy and De Jesus Law Office na ihanda ang mga ebidensya.
Unang hiniling ni Atty. Andre De Jesus na bigyan sila ng 30 araw upang maihanda ang mga ebidensya ngunit tumanggi si Reyes. Kadalasang hindi na kailangang magprisinta ng tagapagtanggol ng mga ebidensya sa mga bail petitions.
Gayunman, pinayagan ni Reyes ang Fortun, Narvasa and Salazar Law Firm, na dating nagrerrepresenta sa dating ARMM governor, na sanggahin ang mga ebidensya ng prosekusyon sa bail motion.
Sa hiwalay na report, isa sa mga akusado ang humiling sa Court of Appeals (CA) na baligtarin ang desisyon ni Reyes na malipat si Andal sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
Nagpasa rin ng petition for certiorari si Takpan Dilon sa tulong ni Atty. Marlon Pagaduan, para sa pag-iisyu ng temporary restraining order upang hindi siya malipat sa Custodial Center ng Philippine National Police sa Camp Crame sa Quezon City Jail Annex.
Ipinalilipat ni Reyes si Dilon sa jail annex dahil hindi na umano ito kailangan ng prosekusyon para maging state witness. “Bilis-bilisan naman sana nila para ma-convict na ang dapat ma-convict sa Maguindanao massacre. Baka nakababa na si PNoy sa pagkapangulo sa 2016, malabo pa rin ang kaso,” sabi ni Yap. (Nanet Villafana)