
BASILAN (Mindanao Examiner / Aug. 27, 2014) – Sugatan ang dalawang mag-asawang negosyante at kanilang anak matapos silang pagbabarilin ng isang armado sa Isabela City sa Basilan province sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Insp. Dahlan Samuddin, ang regional police spokesman, ay pauwi na sa bahay ang mga biktima mula sa kanilang tindahan ng maganap ang pananambang kamakalawa ng gabi sa Tugung Street sa Barangay Kaumpurnah.
Nakilala ang mga biktima na sina Madsalih Ajinuddin Ajik at Kasla Mandang Ajik, at anak na si Dexter Marjuki Ajik. Hindi naman agad mabatid kung ilan taon na si Dexter at ang mag-asawa, subali’t sinabi ni Samuddin na patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Nakatakas naman ang salarin matapos ng pamamaril at nabawi sa lugar ang tatlong basyo ng bala mula .45-kalibre pistol.
Inilipat na rin sa Zamboanga City ang mga biktima upang doon magamot. Hindi pa malinaw kung ano ang motibo sa kaso o kung ito ba ay may kinalaman sa negosyo o away-pamilya. (Mindanao Examiner)