
LANAO DEL SUR (Mindanao Examiner / Aug. 21, 2014) – Dedma lamang ang militar sa lumalawak na suporta ng ilang grupo mula Mindanao sa ISIS o Islamic State of Iraq and Syria” na siyang kinakatakutan ngayon sa Iraq at Syria.
Sa Lanao ay ilang mga grupo ang sinasabing sumusuporta sa ipinaglalaban na Islamic caliphate ng ISIS at nais rin ng mga ito ang kapareho sa Mindanao na dating nasa ilalim ng pamumuno ng mga Sultan.
Bagamat hindi agad matukoy ang laki ng puwersa o ang bilang ng mga sumusuporta sa ISIS sa Lanao at sa ibang bahagi ng Mindanao ay marami naman ang hindi sang-ayon sa pagka-brutal ng naturang grupo sa kanilang pananakop sa Iraq at Syria. Sa sobrang brutal ng ISIS maging ang Al-Qaeda ay ayaw na dumikit sa kanila.
Pinalaya rin ng ISIS ang maraming Sunni prisoners sa Iraq na nakulong matapos na sakupin ng Amerika ang nasabing bansa. Nakadagdag pa sa galit ng ISIS ay ang kalupitan ni Iraq Prime Minister Nouri al-Maliki, na isang Shiite, at kamakailan lamang ay nag-resign ito.
Pawang mga Sunni ang karamihang miyembro ng ISIS sa Iraq at Syria at maging mga dating sundalo ni Saddam Hussein ay sumanib na sa nasabing Katipunan na ngayon ay may malawak na kontrol sa malaking bahagi ng dalawang bansa.
Nasa kamay na rin ng ISIS ang ibat-ibang armas, kabilang ang mga missiles at tangke, na noon ay nasa pangangalaga ng Iraqi at US forces. Maging ang mga oil fields sa Iraq at ang yaman ng bansa ay bihag rin ng ISIS na naglalayong palawakin pa ang kanilang teritoryo na Islamic caliphate.
Kamakailan lamang ay pinugutan ng ISIS ang isang bihag nitong Amerikano na si James Foley, isang freelance photojournalist, bilang ganti sa panghihimasok ng kanyang bansa sa kaguluhan sa Iraq. Dinukot si Foley noon November 2012 sa Syria habang nasa isang assignment para sa online news website na GlobalPost.
Sinabi naman ni dating Pangulong Fidel Ramos na mayroon 100 mga Pilipino ang sumama sa ISIS sa Iraq, ngunit dedma lamang ang militar sa naturang pahayag at wala umanong kumpirmasyon ito.
Ngunit maging ang Abu Sayyaf sa ilalim ni Isnilon Hapilon ay nakiisa na rin sa ISIS at nagpahayag na ng kanilang suporta sa grupo. At pati ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Central Mindanao ay nagsabing sinusuportahan rin nito ang ISIS.
Parehong Islamic state ang ipinaglalaban ng dalawang grupo sa Mindanao na ngayon ay siyang kumukupkop sa ilang mga lider ng Jemaah Islamiya at Kumpulan Mujahidin Malaysia.
Kinondena naman ni Saudi Arabia Grand Mufti Sheikh Abdulaziz Al al-Sheikh na ang ISIS at Al-Qaeda dahil sa kanilang pagiging brutal at tinawag pa itong “enemy number one of Islam” at walang kinalaman sa pananampalataya.
“Extremist and militant ideas and terrorism which spread decay on Earth, destroying human civilization, are not in any way part of Islam, but are enemy number one of Islam, and Muslims are their first victims,” ani ng Grand Mufti sa pahayag na inilabas ng Saudi Press Agency. (J. Magtanggol)
Like us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine