
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 19, 2014) – Nabagansya ng husto si “Science of Stupid” host Ramon Bautista sa kalagitnaan ng Kadayawan Festival matapos nitong sabihin na maraming “hipon” sa Davao City.
Ang “hipon” ay isang slang na ang ibig sabihin ay “babaeng sexy, ngunit pangit ang mukha” na sinabi ni Bautista habang nagho-host ito, ngunit hindi naman nagustuhan ni Vice Mayor Paulo Duterte ang pang-iinsulto ng komedyante sa mga kababaihan dito.
Mabilis rin humingi ng tawad si Bautista sa mga manonood sa “Kadayawan Invasion” sa Crocodile Park matapos itong sitahin ni Vice Mayor Duterte.
Ngunit dineklara naman ng City Council na “persona non grata” si Bautista at tinanggap naman ito ng aktor.
“I respect the decision of the Davao officials, and I will abide by it,” ang huling tweet ni Bautista matapos na ito’y mabalitaanan.
Naunang nag-tweet si Bautista na: “Unang-una po, tinatanggap ko po na ako ay mag nagawang pagkamali sa event sa Kadayawan na iki-offend ng mga taga-Davao at iba pa po nating mga kababayan. Humihingi po ako ng Paumanhin sa aking nagawa. Tatanggapin ko po kung anumang maging consequence o kahinatnan ng pagkakamaling ito. Taos-puso po akong nagpapakumbaba sa pagpapaumanhin at humingi ng kapatawaran sa inyong lahat.”
Sinabi naman ni Mayor Rodrigo Duterte na masuwerte si Bautista dahil kung naroon umano siya ng sabihin nitong “maraming hipon sa Davao” ay baka nasampal nito ang komedyante.
“Everyone, whether you are a Tagalog, Bisaya, Muslim or Bicolono, you should avoid the slur kasi maraming magagalit niyan. Balita ko kasi si (dating) Mayor Sarah (Duterte) nag-react (rin)…ang hipon kasi is a slur sa Maynila, ang hipon parang maganda ang katawan pero ang mukha pangit, yan Maynila kasi eh usong-uso.”
“You know yun sensitivity ng tao when you talk lalo na mga ganoon, lalo na sa ibang lugar eh it’s always the sense and sensibility, kaya dito mag(ing) careful, dito (sa Davao) maraming tao, kasasabi ko lang eh dito maraming mga Lumad, Muslim at Kristiyano (kung kaya’t dapat) respeto pati pakikisama, do not demean or degrade anybody, as long as you are a human being you must (respect) yun dignity ng tao. Ang balita ko nag react daw si Vice Mayor Pulong (Paulo) and I do not blame him kasi kung ako ay naroon din ay baka masampal ko pa. Mahirap eh yun ganoon lalo na yun babae, mga babae mainsulto, so my advise kahit saan ka pumunta iwasan mo talaga yan. Eh dito buti na lang ganoon eh kung may mga Muslim doon na babae…the most sensitive dito sa mga ganoon eh yun mga Muslim at kapag nagkamali ka eh talagang papatayin ka,” ani Mayor Duterte.
Hindi naman agad mabatid kung paano makakaapekto kay Bautista ang pagiging persona non grata nito, ngunit tiyak dito ay hindi na ito makaka-raket sa Davao ito. Maging ang mga diumano’y sponsors ni Bautista sa Davao – kabilang ang ayosdito.ph, Napoleon Nazareno ng Smart Communications, at Andrew Santiago ng radio station Magic 89.9 – ay binigyan rin ng kopya ng (persona non grata) resolusyon ng City Council.
Panandalian naging host ng “Science of Stupid” sa National Geographic Channel si Bautista ngunit hindi naman mabatid kung bakit agad rin naputol ito. (Mindanao Examiner)
Like us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine