
KINOKONDENA ng Train Riders Network (TREN) ang pagkakadiskaril ng tren ng Metro Rail Transit (MRT-3) patungo sa kalsada kahapon sa Taft Avenue station kung saan 38 katao ang naitalang isinugod sa ospital. Sa kasaysayan, maituturing ito bilang pinakamalubhang aksidente sa MRT-3.
Ang aksidente ay dinulot ng malaking kapabayaan sa parte ng gobyerno at pribadong Metro Rail Transit Corporation (MRTC). Ang MRTC ang nangangasiwa sa maintenance ng MRT-3, habang ang Department of Transportation and Communication (DOTC) naman sa operasyon nito.
Masalimuot ang ‘tuwid na daan’ ng Pangulong Benigno Aquino III. Kaming mga mananakay ay sawang-sawa na sa peligroso at inepisiyenteng mass railways systems ng bansa na pinatatakbong parang negosyo. Kaysa pondohan ng malaki, panatilihing ligtas at abot-kaya sa mamamayan, kaliwa’t-kanang pagsasapribado, korapsyon at mga naka-ambang pagtaas pa ng pasahe ang kinakaharap ng mamamayan.
Nananatiling problematiko ang maintenance, pagsasaayos at pagbili ng mga bagong tren dahil sa magulong kontrata ng pagsasapribado sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor. Matatandaang 2006 pa lang ay naabot na ang service capacity ng mga tren (350,000). Ayon sa datos ng gobyerno, 620,00 ang sumasakay dito araw-araw.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin napapanagot ng tuluyan ang mga gaya ni dating MRT Gen. Manager na si Al Vitangcol na nagtangkang mangikil ng $30 million kapalit ng kontrata ng pagbili ng mga panibagong bagon ng MRT.
Hindi sapat ang ‘assistance’ na ibibigay ng DOTC sa mga nadisgrasya. Hinihintay namin ang agarang pagpapanagot sa kriminal na kapabayaan nina Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at MRT-3 officer-in-charge Honorito Chaneco sa naturang insidente.
Nagpupuyos na sa galit ang mga mananakay at matagal nang nagtitimpi dahil sa serbisyong matagal nang ipinagkakait sa kanila.
Inaanyayahan namin ang mga mananakay na MAGSUOT NG PULA sa Biyernes, ika-15 ng Agosto, bilang tanda ng protesta. Karapatan ng lahat ang ligtas, mapagkakatiwalaan at episyenteng mass transport.
James Relativo
Train Riders Network (TREN)
Spokesperson
Like us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine