
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Aug. 12, 2014) – Nanatiling tikom ang bibig ng mga opisyal ng militar at pulisya sa Mindanao ukol sa paglutang ng isang larawan ng Abu Sayyaf na kung saan ay makikita ang dalawang bihag nitong German yachters na inulat na nawawala noon Abril nitong taon.
Walang inilabas na anumang pahayag ang Western Mindanao Command at ang pulisya sa naturang rehiyon at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pagkalat ng larawan sa Facebook at makikita doon sina Stefan Viktor Okonek, 71, at Herike Diesen, 55.
Bantay-sarado ang dalawang dayuhan ng 10 armadong terorista na pawang mga nakatakip ang mukha at sa likod nila ay makikita ang itim na banner na may Arabic inscription at mukhang nasa isang masukal na lugar ang mga ito. Hindi pa mabatid kung saan lugar o probinsya kuha ang larawan o kung sino ang naglagay nito sa Facebook.
Unang inulat na nawawala ang dalawa matapos na matagpuan ng mga mangingisda ang kanilang yate na walang laman sa karagatan ng Palawan na kung saan ay galing ang mga dayuhan at patungo sana sa Sabah para sa kanilang holiday adventure.
Wala rin pahayag na inilabas ang German Embassy at ang Department of Foreign Affairs ukol sa larawan.
Dahil sa pagdukot sa dalawang German ay naglabas rin ang United Kingdom ng advisory sa kanilang mga nationalities na huwag bibiyahe sa katimugan ng bansa dahil sa matinding banta ng kidnappings at terorismo, gayun rin ang kaguluhan sa Mindanao. (Mindanao Examiner)