
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 3, 2014) – Ikinagulat ng militar ang pag-piyansa ng isang dating professor ng University of the Philippines na kanilang nadakip umano sa isang sagupaan sa New People’s Army sa Davao Oriental province sa Mindanao.
Ipinag-utos ng korte nitong Agosto 1 na palayain si Professor Kim Gargar matapos itong maghain ng piyansa na kinatigan naman ng huwes. Sinabi naman ng Eastern Mindanao Command na nadakip ng mga tropa si Gargar ng ito’y masugatan sa naturang sagupaan sa Barangay Aliwagwag sa bayan ng Cateel.
Tuwang-tuwa naman ang mga kaanak at kaibigan ni Gargar na siyang sumalubong sa kanyang paglaya. Nanawagan rin si Gargar sa pamahalaang Aquino na palayain ang lahat ng political prisoners sa bansa.
Sinabi ng Eastern Mindanao Command na si inamin umano ni Gargar na sumapi ito sa New People’s Army noon 2012 at tumulong pa sa paggawa ng mga propaganda books para kay communist leader Jose Maria Sison.
Nabawi rin umano mula kay Gargar ang isang automatic rifle ng ito’y madakip na mga tropa ng 67th Infantry Battalion sa ilalim ni Lt. Col. Krishnamurti Mortela.
Dating Physics professor si Gargar sa University of the Philippines sa Quezon City at sa Don Mariano University sa Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental at nagturo rin sa Polytechnic University at Mapua University sa Maynila at isang doctorate scholar ng University of Groningen sa The Netherlands.
Nakikibaka ang mga rebelde upang maitatag ang sariling estado sa bansa. (J. Magtanggol)