
KAMI, sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño, mga ina nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño na mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na sapilitang iwinala kasama ang magsasakang si Manuel Merino noong Hunyo 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan.
Kaming mga ina, kasama ang iba pang kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, ay muling nananawagan at naggigiit ng katarungan para sa mga mahal naming hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakikita.
Walong taon na kaming walang tigil sa paghahanap sa kanila sa tama o legal na pamamaraan. Kami ay nananawagan sa inyo sa pamamagitan ng media para sa agarang pagpapalitaw sa kanila. Ayon sa Court of Appeals, Korte Suprema, at Department of Justice, sila ay kinidnap at iligal na idinitine ng yunit ng 24th Infantry Batallion ng AFP sa pamumuno ni Maj. Gen. Jovito Palparan.
Alam naming hindi lingid sa inyong kaalaman ang kasong ito. Sa aming pananaw, tila mailap ang hustisya at hindi pinagtutuunan ng pansin ang aming mga panawagan. Kami ay nagdaranas ng hirap sa paghahanap ng aming mga mahal sa buhay. Dagdag pa rito ang hindi pag-aresto sa mga tinukoy na ng korte na mga opisyal ng militar na nanguna sa pagdukot kina Karen at Sherlyn.
Samantalang nananatiling malaya si Maj. Gen. Jovito Palparan at M/Sgt. Rizal Hilario na utak ng pagkawala nina Karen at Sherlyn, pinatatagal naman ng mga kapwa nila akusado na sina Lt. Col. Felipe Anotado at Staff Sgt. Edgar Osorio ang pagtakbo ng kasong Kidnapping at Illegal Serious Detention na dinidinig sa Malolos Regional Trial Court.
Sa halip na magpresinta ng kanilang mga sinasabing saksi ang mga akusado mula pa noong Nobyembre 2013, kung ano-anong mga dahilan ang parating inihahapag sa tuwing may pagdinig: naka-deploy sa malayo, hindi pinapayagang dumalo sa pagdinig, walang budget para sa pamasahe. Pagpapakita ito ng kawalang respeto sa karapatang pantao at sa mismong korte.
Sa tulong ng mga tagasuporta at sariling rekurso, naghanap kami sa mga ospital, presinto’t kampo ng militar na ang aming pinuntahan na umaasang mayakap muli ang aming mga anak; ilang morge na ang pinagtanungan at maging paghuhukay sa mga libingan upang kilalanin ang mga bangkay na walang umaako ay nagawa na namin sa pagbabakasakaling mabigyan ng marangal na burol at libing ang kanilang katawan pero kahit sa mga ito, walang mga Sherlyn o Karen o kahit sinong desaparecido.
Kahit ang kasong kriminal na isinampa laban kay Maj. Harry Baliaga na isa sa mga dumukot kay Jonas Burgos ay napakupad ng pag-usad. Malalayo ang pagitan ng mga petsa ng pagdinig at pinahintulutan pang makapagpiyansa si Baliaga. Sa dinami-rami ng mga opisyal na sinampahan ng kaso ng pamilya ni Jonas, lahat naabswelto maliban kay Baliaga kahit ang mga nakalap na ebidensya sa sariling pag-iimbestiga ay nakaturo at nagsasabing militar ang dumukot kay Jonas.
Ginoong Aquino, hindi lingid sa amin na naglaan kayo ng mahigit 400 milyong pisong pabuya sa mga kumakalaban sa pamahalaan. Bukod pa rito, nitong ngang huli, sumambulat sa amin ang pagkakamal ng inyong administrasyon ng bilyon-bilyong pisong pondo ng bayan sa pamamagitan ng DAP. Sa kabila ng pagdedeklara ng Korte Suprema na labag sa ating konstitusyon ang DAP, ipinagtanggol pa ninyo ito at ipinagmalaki ang mga pinaglaanang proyekto ng iligal na DAP.
Magkano ang inilaang pondo ng gobyerno para dukutin ang aming mga anak? Ilang porsyento ng DAP ang inilaan ninyo para makapagbigay katarungan sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao? Sapat na ba ang dalawang milyong pisong pabuya sa ikakaaresto ni Palparan? Kailangang makita ang aksyon sa pagtugis kina Hilario at Palparan.
Nadidismaya kami sa inyong pagkanlong at pagbibigay ng espesyal na pagtrato sa mga nakinabang sa kriminal na DAP. Malaking insulto ito sa tinamo naming sugat na idinulot ng pagkawala ng aming mga kaanak. Ipinapaalala ng inyong pagkanlong sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan ang pagtataas ng posisyon at pagbibigay karangalan sa mga opisyal ng militar na pangunahing may pananagutan sa mga paglabag ng karapatang pantao.
Nananatiling nasa papel lamang ang Anti-Torture at Anti-Enforced Disappearance Law na magpaparusa sana sa mga dumukot at nag-torture sa aming mga anak. Subalit umabot na sa dalawampu ang nagiging biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng inyong administrasyon sa kabila ng pagkakapasa ng mga batas na ito. Ginoong Aquino, kahit ilang batas ang inyong pirmahan, hindi matitigil ang pagdami ng mga desaparecidos kung hindi naman ito ipapatupad at kung sa halip ay patuloy ninyong ipapatupad ang kontra-insurhensyang programang Oplan Bayanihan na nagnanakaw ng buhay sa maraming biktima.
Ginoong Aquino, ninakaw ng pamahalaan ang aming mga anak. Ang iginigiit naming hustisya para sa aming mga anak at iba pang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao ay alingawngaw ng aming isinisigaw na katarungan mula pa noong dukutin ang aming mga anak. Nagawa na namin ang lahat na dapat naming magawa. Panahon na para gawin mo naman ang iyong bahagi na agarang ilitaw sina Karen at Sherlyn at maaresto sina Rizal Hilario at Jovito Palparan para panagutin sa kanilang paglabag sa aming karapatan.
Iminumungkahi namin ang inyong pagbibitiw sa pwesto kung hindi ninyo ito kayang tugunan.
Naghahanap ng Katarungan,
Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño
desaparecidos2009@gmail.com