
Makikita sa mga larawan na ito na nasa Facebook account ni Sulu Gov. Totoh Tan sina Tawi-Tawi Gov. Nurbert Sahali, Basilan Gov. Jum Akbar, Lanao del Sur Gov. Bombit Adiong, Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu at ni Sulu Vice Gov. Sakur Tan, at dating Tawi-Tawi Gov. Sadikul Sahali na nagbigay ng kanilang malaking suporta kay Pangulong Benigno Aquino hinggil sa deklarasyon ng Korte Suprema ang isyu ng Disbursement Acceleration Program.
MANILA (Mindanao Examiner / July 15, 2014) – Ibinuhos ng 5 gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang kanilang buong suporta kay Pangulong Benigno Aquino hinggil sa deklarasyon ng Korte Suprema na ilegal ang ilang bahagi ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Malakanyang.
Pinganguhan nina Sulu Gov. Totoh Tan, Tawi-Tawi Gov. Nurbert Sahali, Basilan Gov. Jum Akbar, Lanao del Sur Gov. Bombit Adiong at ni Sulu Vice Gov. Sakur Tan, at dating Tawi-Tawi Gov. Sadikul Sahali ang muling pagbibigay ng suporta kay Aquino.
Ilang ulit na rin nagbigay ng kanilang suporta ang naturang grupo ng mga gobernador at nina Sakur at Sadikul kay Aquino ukol sa mga mahahalagang isyu at program nito at maging sa Mindanao peace talks.
Ang DAP ay brainchild ni Aquino at Budget Secretary Butch Abad at binuo ito upang magamit ang pondo sa ibat-ibang proyekto at programa ng pamahalaan. At dahil sa programang ito ay maraming mga proyekto ang naipatupad sa ARMM at pinakinabangan ngayon ng mga residente doon kung kaya’t ganoon na lamang ang pasasalamat ng mga gobernador at iba pang mga opisyal kay Aquino.
Hindi naman nabigyan noon ng sapat na atensyon ng nakaraang administrasyong Arroyo ang naturang rehiyon at tanging si Aquino lamang ang malaki ang naiambag sa peace and development efforts sa ARMM.
Matatandaang inakusahan rin noon ng oposisyon si Aquino at Abad na ginamit ang DAP upang isuhol sa mga politiko para sa conviction ni Renato Corona, ang dating pinuno ng Korte Suprema. Binansagan naman ng mga militante ang DAP na siyang “pork barrel” fund ni Aquino, bukod pa ang limpak-limpak na pondo mula sa Presidential Social Fund. Ngunit lahat ng ito ay itinanggi ni Aquino.
Nagsimula ang DAP noon Oktubre 2011 matapos na aprubahan ito ni Aquino sa rekomendasyon umano ng Development Budget Coordination Committee at ng Cabinet Clusters bilang “stimulus package” ng administrasyon para sa mga sari-saring proyekto.
Bilyon-bilyong pisong pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa DAP. Mula 2011-2012, umabot sa P142.23 bilyon ang inilabas para sa mga programa at proyekto – P83.53 bilyon noon 2011 at 58.70 bilyon naman sa 2012.
Sa 2011, karamihan sa mga pinaglaanang pindo ng DAP ay napunta sa healthcare, public works, housing and resettlement, gayun rin sa agriculture at iba pa. At sa 2012, ginamit naman ang pondo ng DAP sa turismo at road infrastructure, school infrastructure, rehabilitation at extension ng light rail transit systems, at ang sitio electrification project.
Sa taong 2013, umabot naman ang pondo ng DAP sa P15.13 bilyon at ginamit naman ito para sa karagdagang tauhan ng pulisya at bilang dagdag-pondo rin sa modernization ng pambansang pulisya at sa redevelopment ng Roxas Boulevard sa Maynila at maging sa rehabilitation projects sa mga lugar na napinsala ng bagyong Pablo sa lalawigan ng Compostela Valley at Davao Oriental.
Ginamit rin ang DAP para pondohan ang mga proyekto ng mga piling mambabatas at umabot ito sa P142.23 bilyon mula 2011-2012.
At karamihan sa mga salaping inilaan para sa DAP ay galing diumano mula sa mga savings ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan at ang ang mga “realignment at unprogrammed” funds na aprubado rin ni Aquino, kabilang dito ang mga pondong mula sa remittance ng dividends ng mga government-owned and controlled corporations and government financial institutions at mga pinagbentahan ng mga government assets.
Hindi naman agad mabatid ng Mindanao Examiner kung gaano kalaking salapi ang nakuha ng DAP mula sa Malampaya Fund kung mayroon man, ngunit ang pondo mula sa Malampaya ay maaari lamang gamitin sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya.
Sinabi noon ni Abad at Aquino na legal ang DAP base na rin sa Article VI Section 25 (5) ng 1987 Constitution. “…the President, the President of the Senate, the Speaker of the House of Representatives, the Chief Justice of the Supreme Court, and the heads of Constitutional Commissions may, by law, be authorized to augment any item in the general appropriations law for their respective offices from savings in other items of their respective appropriations.”
At ang Book VI Chapter 5 Section 39 of the 1987 Administrative Code na nagsasabing: “Except as otherwise provided in the General Appropriations Act, any savings in the regular appropriations authorized in the General Appropriations Act for programs and projects of any department, office or agency, may, with the approval of the President, be used to cover a deficit in any other item of the regular appropriations….”
Sa kabila nito, sinabi naman ni Aquino na nais niyang maiwan sa bawat mamamayan ang isang legacy ng maayos na pamamalakad ng pamahalaan at magsilbing role model. “If there is a singular legacy that I am leaving and sana, masanay ang kababayan natin na ito ang kaya ng gobyernong pinapatakbo nang matino,” ani Aquino.
Sa nakaraang televised address ni Aquino ukol sa DAP issue ay ito ang bahagi ng kanyang sinabi: “Kung maaalala po ninyo, nang umupo tayo sa puwesto, tumatakbo na ang 2010 budget, at minana rin natin ang panukalang budget ng 2011. Isipin po ninyo: Sa 1.54 trillion pesos na dinatnan nating pondo ng 2010, nasa 100 billion, o 6.5 percent lang nito ang natitirang gamitin sa nalalabing anim na buwan ng taon. Talagang mapapaisip ka: Saan kaya nila dinala ang pera?”
“Naaalala rin siguro ninyo ang maanomalyang proyekto tulad ng dredging sa Laguna Lake, kung saan gagastos tayo ng 18.7 billion pesos para lang sa paglalaro ng putik; o ang mga GOCC na nagpaulan ng bonus sa mga opisyal at empleyado kahit nalulugi ang mga kompanya.”
“Linawin ko lang po muna ang usapin ng savings sa gobyerno. ‘Di po ba, sa ating mga tahanan, palaging magandang bagay ang magkaroon ng savings? Halimbawa, kapag nakamenos-gastos sa biniling karne, may ekstrang pera para makabili ng pangrekado.”
“At kapag hindi ginastos ang pera para sa pinaglaanang programa, natural pong hindi makakarating ang benepisyo sa taumbayan. ‘Di ba’t nagbubunsod ito ng kapahamakan sa ating mamamayan? Ibig-sabihin, sa tuwing may ganitong savings ang gobyerno, sa tuwing natutulog ang pera ng bayan, mayroon tayong Boss na napagkakaitan ng benepisyo. Siyempre po, sinumang matinong pinuno ng gobyerno ay gugustuhing madaliin ang mgaproyektong may pakinabang sa publiko. Wala po akong makitang dahilan na iantala ang benepisyo, lalo pa’t may kakayahan tayong gawin ito.Malinaw na kapag hindi mo agad naiparating angbenepisyo, pinahaba mo na rin ang pagdurusa ng Pilipino.”
“Ang naging tugon po natin: Disbursement Acceleration Program o DAP. Ito naman po ang ikalawa kong ipapaliwanag sa inyo. Hindi proyekto ang DAP—isa itong pamamaraan ng pamamahalana naaayon sa batas at sa mandatong ibinigay sa sangay ng Ehekutibo. Ipinatupad natin ito para makatulong sa paglalaan ng pondo at masagad ang mga benepisyong hatid nito para sa taumbayan.”
“Sa desisyon ng Korte Suprema, kinukuwestiyon tayo sa paggamit natin ng savings at kung kailan natin puwedeng gamitin ang tinatawag na unprogrammed funds. Ang gusto po nila, ideklara ang savings sa ika-31 ng Disyembre. Sa sistemang ito, Kelan pa natin ito magagamit? Sa kahulugang ito ng savings, ‘yung proyektong puwede na sanang pondohan sa kalagitnaan ng taon, ipapagpaliban pa natin hanggang sa susunod na taon.”
“Ang epektibong paggugol ng pondo ay hindi lang po dikta ng aking konsensya, malinaw din pong nakasaad sa iba’t ibang probisyon ng isang batas na ang pangalan ay Administrative Code of 1987, at tinalakay ang paggamit ng savings. Halimbawa, basahin natin ngayon (nandiyan sa inyong mga screen) ang Book VI, Chapter 5, Section 39 ng 1987 Administrative Code of the Philippines…except as otherwise provided in the General Appropriations Act, any savings in the regular appropriations authorized in the General Appropriations Act for programs and projects of any department, office or agency, may, with the approval of the President, be used to cover a deficit in any other item of the regular appropriations…”
“Nakita naman po ninyo, na ayon sa batas na ito, hayagang binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na maglipat ng savings sa ibang proyekto. Walang nakasaad na limitado sa isang departamento o sangay ng gobyerno ang paglilipat ng savings. Sa simpleng salita po: Hindi tayo lumabag sa batas nang ipatupad natin ang DAP.”
“Nagulat nga po kami nang makita naming hindi naisaalang-alang sa desisyon ng Korte Suprema ang ginamit naming batayan ng DAP. Paano kaya nila nasabing unconstitutional ang aming paraan ng paggastos gayong hindi man lang nila tinalakay ang aming pinagbatayan? Hanggang sa mga sandaling ito, umiiral pa rin ang Section 39 ng Administrative Code, at ang marami pang ibang bahagi nito.”
“Bilang pagtatapos, muli kong ididiin: Mabuti ang DAP. Tama ang intensyon. Tama ang pamamaraan. Tama ang resulta.Mga boss, ipinapangako ko sa inyo: Hindi ko hahayaang pahabain pa ang pagdurusa ninyo, kung ngayon pa lang, ay kaya na nating ibsan ito. Marami-maraming salamat po, at sana po ay naliwanagan tayong lahat.” (Mindanao Examiner)